DUMATING na sa Las Vegas, Nevada si Manny Pacquiao kahapon para sa kanyang ikatlong laban kay Timothy Bradley sa darating na Linggo.
Pero bago tumulak patungong ‘Sin City’ si Pacquiao ay nag-ensayo muna siya sa Wild Card Gym sa Los Angeles.
Pagkatapos ng ensayo ay tinipon ni Pacquiao ang kanyang “inner circle” para magdasal.
“It’s the first time we did that,” sabi ni Pacquiao.
At malamang na iyon na rin ang huli.
Dahil sinabi ni Pacquiao na magreretiro na siya matapos ang labang ito. Nangangahulugan bang iyon na ang huli niyang ensayo sa boxing gym ng pamosong trainer na si Freddie Roach?
Kapag pinatotohanan ni Pacquiao ang kanyang pagreretiro, tiyak na malulungkot si Roach.
“He’s the best thing that ever happened to Wild Card; he’s the best thing that happened in my life,” sabi ni Roach.
Mula nang unang pumasok sa Wild Card Gym si Pacquiao 15 taon na ang nakalilipas ay dumami ang naging parokyano ng naturang boxing gym.
“He walked into my gym and an hour later I was his new trainer,” sabi ni Roach sa isang press conference noong 2009. “He saved my life.”
Pero hindi lamang one way ang relasyon ng dalawa. Kung naisalba ni Pacquiao ang gym ni Roach ay nagabayan naman ni Roach sa rurok ng tagumpay si Pacquiao.
“I will miss him,” sabi ni Roach.
“I’ll still visit,” pangako naman ni Pacquiao.
Unang nagharap sina Pacquiao at Bradley noong Hunyo 2012 kung saan nauwi sa kontrobersiya ang resulta.
Sa labang iyon ay binugbog ng suntok ni Pacquiao si Bradley sa kabuuan ng laban. Gayunman, nanalo pa rin si Bradley via split decision nang pumanig sa kanya ang dalawa sa tatlong hurado.
Muli silang nagharap noong Abril 2014 at nagtala ng unanimous decision victory si Pacquiao para patunayan sa mundo na siya talaga ang nanalo sa una nilang sagupaan.
Si Pacquiao ay may ring record na 57 wins, 6 losses, 2 draws at 38 knockouts habang ang 32-anyos na si Bradley ay may 31-1-1 (13 KOs) kartada.
Matalo o manalo, iginigiit ni Pacquiao na ito na ang kanyang huling laban…kung hindi magbabago ang kanyang isip.