Nasawi ang hepe ng pulisya sa bayan ng Poro, Camotes Islands, Cebu, habang sugatan ang dalawa niyang kasama nang pagbabarilin ng mga armadong naka-motorsiklo Lunes ng hapon, ayon sa pulisya.
Ikinasawi ni Inspector Jonas Tahanlangit ang mga tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan, sabi ni Senior Supt. Clifford Gairanod, hepe ng Cebu provincial police.
Nagtamo naman ang mga kasama ni Tahanlangit na sina Rene James Sampan, 16, at Theresa Ann Montalban, 19, ng tama ng bala sa kanang braso at kamay, sabi ni Gairanod sa isang text message.
Naganap ang insidente dakong alas-5 sa bahagi ng provincial road na sakop ng Sitio Paypay, Brgy. Consuelo, bayan ng San Francisco.
Ang San Francisco ay nasa Pacijan Island, na naka-konekta sa Poro Island sa pamamagitan ng isang causeway.
Minamaneho ni Tahanlangit ang itim na Toyota Hilux patungong Poro, nang buntutan at tabihan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motor ang kanyang sasakyan, ani Gairanod.
Bumunot ng baril ang backrider ng motor at paulit-ulit na pinaputukan ang driver’s seat ng Hilux, bago tumakas kasama ang kasabwat.
Isinugod ng mga rescuer mula sa lokal na pamahalaan ng San Francisco si Tahanlangit at kanyang mga kasama sa Ricardo L. Maningo Memorial Hospital, ngunit idineklarang patay ng mga doktor ang police official.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaril pero sinisilip ang posibilidad na si Tahanlangit ang target, ani Gairanod.
“Isang anggulo ay parang drug-related dahil sa trabaho,” aniya, sabay dagdag na nakiangkas lang sa sasakyan ni Tahanlangit ang mga sugatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.