Bala at batuta sa halip na bigas | Bandera

Bala at batuta sa halip na bigas

Ramon Tulfo - April 05, 2016 - 03:00 AM

NAGUGUTOM ang mga magsasaka sa Kidapawan, Cotabato at mga karatig pook.
Nagmakaawa silang humingi ng bigas sa gobyerno dahil ang kanilang mga bukirin ay tinamaan ng El Niño.
Sa halip na bigyan sila ng makakain, bala at batuta ang ibinigay sa kanila ng mga pulis.
Tatlo ang napatay sa mga pobreng magsasaka at duguan ang mga ulo ng marami sa kanila.
Kung hindi yan sukdulang kalupitan ng pamahalaan sa mahihirap, ewan ko kung anong matatawag sa ganoong pangyayari.
***
Dahil sa kalupitang dinanas ng mga magsasaka sa kamay ng gobyerno, na dapat ay pangalagaan sila, mas dadami ang magiging sympathizers at supporters ng New People’s Army (NPA) sa parteng yan ng Mindanao.
Malakas na nga ang NPA dahil sa kawalan ng pag-aaruga ng gobyerno sa mga mahihirap, mas lalakas pa ito.
Ang dapat sisihin sa magiging epekto ng karahasan sa Kidapawan ay walang iba kundi si Noynoy Kuyakoy.
Ang masakit pa nito, ang makikinabang ay ang NPA na, ironically, ang ama ni Mr. Kuyakoy na si Sen. Ninoy Aquino ang tumulong na maitatag sa Hacienda Luisita noong dekada 60.
***
Hindi kataka-taka na nangyari ang ganoong kalupitan sa mga mahihirap sa administrasyon ni P-Noynoy.
In the early days of the administration of President Cory Cojuangco Aquino, nanay ng ating Pangulo ngayon, 13 magsasaka ang napatay ng mga pulis dahil sa pagra-rally nila sa Mendiola, Maynila.
Ang hinihingi lamang ng mga magsasaka ay ang pantay na pamamahagi ng lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Noong Nov. 16, 2004, binaril ng mga sundalo at pulis ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita, na pag-aari ng mga Cojuangco, na humihingi na ipatupad ng hacienda ang Comprehensive Agrarian Reform Program.
Labing apat na mga ralyista ang patay sa protesta sa Hacienda Luisita.
Si Pangulong Noynoy at ang kanyang ina na si Cory ay lumaking nagtatampisaw sa yaman.
Hindi nila naranasan na magutom sa tanang buhay nila kaya’t hindi alam ang dinaranas ng mahihirap.
Ang totoo niyan, psychologically, walang pakiramdam ng pagkaawa si Ginoong Aquino at nakita yan ng taumbayan nang hindi siya dumalo sa arrival honors ng mga 44 police commandos na nasawi sa Mamasapano.
Ang mga sinasabi ni P-Noy na dapat ay tulungan ang mga dukha na makaahon sa kahirapan ay salita o pakitang-tao lamang.
Nakita na ba natin na lumusong si Noynoy sa baha upang makisimpatiya sa mga flood victims? Hindi!
Ang dahilan ay hindi lang siya takot sa baha, wala rin siyang pakiramdam sa kanyang puso sa mga naghihirap.
***
Ang sukdulang pagiging incompetent nina Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at airport general manager Jose Honrado ay nakita sa limang oras na brownout sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong weekend.
Na-stranded ang 15,000 pasahero dahil sa kawalan ng kuryente sa NAIA Terminal 3.
Imagine, 15,000 na pasahero ang hindi nakasakay ng eroplano papunta sa kani-kanilang paroroonan dahil sa pagiging incompetent nina Abaya at Honrado!
Kung ang Pilipinas ay totalitarian state, baka pinaharap na sa firing squad sina Abaya at Honrado.
Kahit na palpak ang mga trabaho ni Abaya sa Metro Rail Transit at si Honrado naman sa NAIA, hindi sila pinatalsik ng Pangulo dahil kaibigang matalik nito si Abaya at kamag-anak naman si Honrado.
Kahit na dapat ay patalsikin si Abaya at Honrado ngayon huli na, dahil malapit na ring magtapos ang termino ng kanilang walang-kuwentang boss na si P-Noynoy.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending