OAKLAND, California — Sumablay si Stephen Curry sa kanyang pantablang 3-pointer may 5.3 segundo ang nalalabi sa laro para malasap ng Golden State Warriors ang unang pagkatalo sa kanilang homecourt matapos ang 14 buwan kahapon.
Nakatikim ang Warriors ng 109-106 pagkatalo mula sa Boston Celtics na pumutol sa kanilang NBA-record 54-game home winning streak sa regular season sa Oracle Arena kabilang ang 36 diretsong panalo sa kanilang homecourt mula sa pag-uumpisa ng season. Hindi pa natatalo ang Golden State sa kanilang homecourt matapos ang 113-111 overtime pagkatalo sa Chicago Bulls noong Enero 27, 2015.
Nakaiskor si Isaiah Thomas mula sa isang driving layup may 8.3 segundo ang nalalabi para magtapos na may 22 puntos para sa Boston.
Si Curry ay nagtapos na may 29 puntos para sa Warriors (68-8), na kailangang manalo sa lima sa kanilang huling anim na laro para mabura ang 72 wins record ng 1995-96 Bulls. Kinapos ang huling 3-pointer ni Curry sa laro kung saan tumira siya ng 8 of 14 mula sa 3-point area. Nahablot ni Harrison Barnes ang offensive rebound subalit sumablay siya sa kanyang tira may 0.2 segundo ang nalalabi.
Cavaliers 110, Hawks 108 (OT)
Sa Atlanta, gumawa si LeBron James ng 29 puntos para malagpasan ang isa pang Hall of Famer sa NBA career scoring list at tulungan ang Cleveland Cavaliers na daigin ang Atlanta Hawks sa overtime.
Nagtala rin si James ng 16 rebounds at siyam na assists.
Angat pa rin ang Cavaliers sa Toronto Raptors, na tinalo ang Memphis Grizzlies, ng 2½ laro sa karera para sa No. 1 seed sa Eastern Conference.
Nalagpasan ni James si Hall of Famer Oscar Robertson para sa ika-11 puwesto sa NBA scoring list matapos makaiskor sa isang layup sa huling bahagi ng ikatlong yugto. Tinawagan si Atlanta center Al Horford ng goaltending sa nasabing play. Ang basket ay nagbigay kay James ng 26,711 puntos. Sinimulan niya ang laro na kailangan ang 21 puntos para maungusan ang 26,710 puntos ni Robertson.
Hornets 100, 76ers 91
Sa Charlotte, North Carolina, kumana si Kemba Walker ng 27 puntos at 11 rebounds para tulungan ang Charlotte Hornets na talunin ang Philadelphia 76ers at lumapit sa pagkubra ng Eastern Conference playoff spot.
Makakakuha naman ng Hornets (44-31) ng postseason berth sa ikalawang pagkakataon sa tatlong seasons kung tatalunin ng Detroit ang Chicago ngayon.
Bumitaw si Walker ng tatlong 3-pointers sa huling bahagi ng ikaapat na yugto para selyuhan ang kanilang panalo. Nagtala si Nicolas Batum ng 19 puntos at pitong assists para sa Hornets, na nagwagi sa 14 sa kanilang huling 17 laro at ipinuwesto ang sarili para makapag-host ng playoff series.
Sina Jerami Grant at Hollis Thompson ay may tig-17 puntos para sa Philadelphia.
Mavericks 98, Pistons 89
Sa Auburn Hills, Michigan, umiskor si J.J. Barea ng 29 puntos habang si Dirk Nowitzki ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Dallas Mavericks na ginapi ang Detroit Pistons.