2 magaling na aktres bawal nang bumalik sa pinanggalingang TV network

BLIND ITEM FEMALE 0311

MUKHANG matutulad sa dalawang mahusay na aktres ang maganda at magaling ding female star na kadalasang kontrabida ang papel sa mga pelikula at teleserye na hindi na makakabalik sa TV network kung saan siya kunektado.

Hindi kasi naging maganda ang iniwang imahe ng maganda at magaling na aktres sa network dahil nakapagsalita siya ng hindi maganda sa katrabaho niya, bagay na hindi nagustuhan ng management.

Ganito pala ang patakaran ng TV network na kapag may nagawa kang “foul” ay hindi ka na makakabalik pa kesehodang napakagaling mong artista. Kamakailan lang namin nalaman na kaya pala hindi rin nakikita sa TV network ang dalawang mahusay na aktres ay dahil may mga ginawa ring hindi maganda.

Nagtataka nga kami dahil ‘yung ibang kasabayan nilang mga artista ay nakakatawid sa tatlong TV networks at bukod tanging itong dalawang mahusay na aktres lang ang hindi namin nakikita maski na special participation lang sa dami ng seryeng ipinalalabas ngayon sa kilalang network.

Ang kuwento pala, nakapagsalita raw ang dalawang aktres tungkol sa isang powerful TV executive na nakarating naman sa kinauukulan kaya ang ending, banned na sila.

 

Read more...