KAKAIBANG challenge ang hinarap ni Cristine Reyes sa paggawa ng latest horror movie ng Viva Films, ang “Elemento” directed by Mark Meily.
Sey ni Cristine, kinailangan niyang mag-effort nang bonggang-bongga para lumabas na makatotohanan ang bawat eksena, lalo na raw ‘yung mga katatakutang bahagi ng pelikula.
“Siyempre, yung mga part na kailangan kang matakot, dapat karirin mo ‘yun. Dapat lumabas siyang totoong-totoo para ma-feel talaga ng viewers yung fear. So, yun ang biggest challenge for me, yung maitawid mo yung takot ng movie,” ani Cristine sa presscon ng “Elemento” kahapon.
Makakasama rin sa “Elemento” ang theater child actor na si Albert Silos na unang napanood sa MMFF New Wave category na “Turo Turo” noong Disyembre.
Siya ang gaganap na anak ni Cristine sa pelikula bilang si Lucas na naging kakaiba mula nang makauwi galing sa malayong lugar.
Sumama sa field trip ang bagets sa isang kagubatan, ngunit ng hindi na niya mapigilan ang tawag ng kalikasan ay lumapit siya sa isang puno at doon dyuminggel. Ang hindi niya alam ay meron palang nakamasid sa kanya na hindi nagustuhan ang kanyang ginawa.
Pag-uwi niya ay bigla nang nag-iba ang kilos at ugali ni Lucas. Mula sa pagiging magiliw na bata ay naging misteryoso sya na umabot na sa puntong maski ang sarili nyang aso ay pinangingilagan sya.
Kaya nagduda na ang kanyang ina na si Kara (Cristine) at ang kapitbahay nila na ginampanan ni Elizabeth Oropesa. Maaari raw na isang “tambal” o isang uri ng elementong gumagaya ng anyo ng kanyang anak ang kasama niya sa bahay. Mas magiging kakila-kilabot pa ito nang may tumawag kay Kara na kaboses ng kanyang anak na humihingi ng tulong.
Kasama rin dito si Jake Cuenca bilang ama ni Lucas. Tinitiyak nina Cristine na hindi mabibigo ang mga Pinoy na mahilig sa horror movies sa “Elemento” na showing na April 6.