ANG lebadura ng kasamaan at lebadura ng kayabangan ay naniningkad sa liderato ng gobyerno. Iyan ang Pagninilay ni Cardinal Tagle sa Ebanghelyo (Gawa 10:34a, 37-43; Slm 118; 1 Cor 5:6b-8 [o Col 3:1-4]; Jn 20:1-9) sa Muling Pagkabuhay. Umaalsa pa rin ang kasamaan at kayabangan ng liderato, lalo na ang pagdidiin ng “rule of law,” na ang ipinaiiral ay ang mapaniil na hustisya sa mga kalaban.
Sa kalalabas na aklat ni Padre Jose Francisco Syquia (Exorcist Volume Three), direktor ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism, sinabi niya na napakamakapangyarihan ng muling nabuhay na Kristo, pero tila kahit mga pari ay di nakikita ang paggalaw ng demonyo sa paligid. Ngayong kampanya sa halalan, walang tigil na nagpapatrolya ang maraming demonyong politiko.
Sa Job 2:2, tinanong ng Panginoon si Satanas kung saan siya galing. Sagot ni Satanas: naglilibot sa buong mundo at nagpapatrolya. Maraming tumatakbong pagka-senador ang naglilibot at nangangampanya. Meron pa ngang protektor ng kriminal na batang hamog. Ang kriminal ay inaalihan ng demonyo kaya nagagawa niya ang kahindik-hindik.
Dumarami ang foreign banks na nagsara ng money transfer, na ang sineserbisyuhan ay ang OFWs bunsod ng nakaw na $81 milyon na pumasok sa RCBC. Sa Mayo, mahihirapan na ang OFWs na magpadala ng pera para sa pasukan ng kanilang mga estudyante. Patay.
Bakit tahimik ang makapangyarihang mga politiko sa nakaw na $81 milyon? Sangkot din sila at iyan na rin ang kutob ng ilang senador. Kung gayon, hindi makatuwiran na puro mga Intsik na lang ang ididiin gayung hindi naman talaga sila madidiin, dahil yung isa sa kanila ay madalas hingan ng pera ng ilang miyembro ng LP.
Napakagandang sundan ang politika sa Maynila. Ungos si Erap at malapit nang manalo. Masakit ang katotohanan na hindi kayang isalba ng Ikalawang Aquino si Alfredo Lim. Nang i-endorso ni Aquino si Lim, walang nagbigay ng paunlak. Laos na nga si Aquino.
Sa proklamasyon ni Lim, binanatan ni Aquino si Digong Duterte sa kanyang (DU30) gagawing pagpatay sa mga kriminal. Hindi alam ni Aquino na noong pulis pa si Lim, ang mga kriminal ay pinapatay at ang paboritong tapunan ng bangkay ay ang ilalim ng Jones bridge. May ilalabas sa selda na rape suspect para ituro ang kasabwat. Sa labas, patay ang rape suspect dahil lumaban daw.
Ang magandang balita, ilang tulog na lang ay mawawala na ang siga (bully) sa bansa. At hindi na rin siya puwedeng magsiga-sigaan dahil hindi na siya pangulo. Hindi na rin niya kayang banatan ang kanyang mga kaaway nang harapan (kahit di binabanggit ang pangalan ng kaaway) dahil harapan na rin siyang gagantihan. Teka, ang siga ay di takot sa selda, eh bakit takot ito?
Simula nang tumakbo sina Recom Echiverri at RJ sa Caloocan, isang himig ng campaign jingle ang ginamit. Ngayong nagbabalik bilang alkalde si Recom, yun pa rin. Jinx, o malas na, ang himig na iyan. Nakatatakot kapag nagkatotoo muli ang malas.
Sa North Caloocan, tuluyan nang kinalimutan si Leni Robredo. Bongbong Marcos na ang North Caloocan (Bagong Silang, Camarin, Tala, Bankers, Malaria, Vicas, Deparo, Bagumbong, Brixton). Hindi kasi kapani-paniwala ang mga pangako’t programa ni Robredo. Mantakin ba namang sabihing gaganda ang buhay ng nangangalkal ng basura? Si Marcos, bibigyan niya ito ng trabaho.
MULA sa bayan (0916-5401958): Kami’y kabataan sa Cebu. Ngayong binitiwan na ng One Cebu si VP Binay, susuportahan namin si Grace Poe.…6334.
Hindi ko maalala na nakatulong sa mahihirap sa Litex, QC si Drilon. Ang kapal naman na tatakbo muli siya pagka-senador?…1708.