SUMIKAT nang husto sa kanyang larangan ang isang male personality. Marami silang nagbabakbakan nu’ng mga panahong ‘yun pero angat na angat siya, napakagaling naman kasi niyang lumipad sa ere, shoot kung shoot ang kanyang linya.
Milyon ang kinita ng lalaking personalidad dahil bukod sa kanyang propesyon ay marami pa siyang ibang raket, nag-aartista rin siya paminsan-minsan, naiimbitahan din siya sa mga probinsiya para maging special guest.
Pero noon ‘yun. Ngayon ay ibang-iba na ang ikot ng kanyang mundo. Wala na ang gilas niya sa pagsu-shoot, hindi na rin siya makatalon, marami na siyang nararamdaman. At ang pinakamasakit na parte ng kuwento ay hindi siya naghanda para sa kanyang kinabukasan.
Akala niya siguro ay panghabampanahon ang tikas at lakas ng mga katulad niya. Kuwento ng aming source, “Nu’ng isang gabi, nakita namin siya. Payat na payat na siya, wala na ang dating kaguwapuhan niya, pati ang ganda ng pangangatawan niya.
“May dala-dala siyang pink slip, ‘yung ibinibigay ng production kapag may nagiging guest sila. May kalayuan pa ang due date ng talent fee, pero may hawak naman siyang guarantee na makukuha nila ang check nila in time.
“‘Yun ang ihinahanap niya ng mapapalitan, magbibigay na lang siya ng authorization, mapalitan lang ng cash ang hawak niyang pink slip. Maliit lang naman ang halaga nu’n, pero parang sobrang Spell M ang male personality.
“Kailangang-kailangan niya ng datung, hanap siya nang hanap kung kanino niya ‘yun mapapapalitan. Kasi naman, maraming kuwento tungkol sa kanya ngayon. Nagbibisyo kasi si ____ (pangalan ng dating sikat na sportsman)!
“Marami siyang nakakasamang personalities ngayon na alam na alam ng mga taga-showbiz na nagbibisyo rin. Bradly Guevarra, kilala mo siya, palagi siyang umiinom ng gatas nu’ng kasagsagan ng career niya!” pagtatapos ng aming source.