UMANI ng mga batikos ang umano’y komiks na naglalarawan kay dating Interior secretary Mar Roxas bilang bayani sa kasagsagan ng supertyhoon Yolanda.
Ito’y matapos maging viral sa social media ang komiks na nagpapakita ng karanasan ni Roxas sa bagyong Yolanda.
Kinuyog ng mga netizen si Roxas dahil sa pagtatangka umanong ikubli ang naging kapalpakan ng pambato ng Liberal Party (LP) matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.
Unang ipinamigay ang komiks na may pamagat na “Sa Gitna ng Unos,” sa kaarawan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Ayong Maliksi sa Cavite noong Linggo.
Ipinost ng ilang reporter ang ilang bahagi ng komiks.
Makikita sa komiks na inaakay ni Roxas ang mga tao matapos tangayin ng tsunami ang mga kanilang mga bahay.
“Muntik-muntikan ng mapahamak si Mar sa lupit ng Yolanda,” sabi ng komiks.
Kinontra naman ito ng mga netizen.
Binatikos si Roxas ni Manila Times columnist at author na si Katrina Stuart Santiago dahil sa pagtatangka nitong ibahin ang kasaysayan.
“Now Mar Roxas is a hero in his own comics, which is so obviously about the strongest storm to ever make landfall, and so obviously NOT about how he and his government messed up rescue, relief, and rehabilitation efforts in Samar and Leyte. Ito na marahil ang pinakanakasusulasok sa lahat ng nakita kong lumabas sa eleksyon na ito,” sabi ni Santiago na nagkaroon ng 2,000 shares at 6,400 likes
Tinawag naman ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr., ang komiks bilang “work of fiction.”
“Well, kung batay sa tunay na pangyayari, dinatnan ng bagyo si Mar habang nasa hotel. Nung humupa ang hagupit, wala siyang satellite phone. Cut-off siya sa mundo. Kinailangan pang mag-martsa ang AFP mula Calbayog para abutan siya ng sat phone,” sabi ni Reyes.
Kinontra rin ng mamamahayag na si Lottie Salarda ang pinapalabas na pagiging bayani ni Roxas.
“I was there. Many survivors were there also. I was even present during the press conference where he said that there will be a meeting at 8:00 a.m. on November 8. Meaning, he NEVER knew that the storm will hit as early as 5 a.m. Tapos ngayon HERO siya? Wala siyang alam,” sabi ni Salarda. Inquirer.net