TUMUNTONG sa quarterfinal round sina Charly Suarez at Nesthy Petecio matapos magtala ng dominanteng panalo sa kani-kanilang unang laban sa ginaganap na Asian-Oceanian Olympic Qualification boxing event sa Tangshan Jiujiang Sport Center sa Quian’an, China.
Hiwalay na nagpakitang-gilas sina Suarez at Petecio sa kani-kanilang kalaban Linggo ng gabi upang mapanatiling perpekto ang kampanya ng anim kataong delegasyon ng Pilipinas na umaasam ng mga silya sa 2016 Rio Olympics.
Kontrolado ng 2014 Incheon Asian Games silver medalist mula Davao City na si Suarez ang buong laban sa men’s lightweight tungo sa pagtatala ng kumbinsidong 3-0 panalo kay Chu-En Lai ng Taipei.
Nakumbinsi ni Suarez ang mga hurado kung saan narehistro ang pare-parehas na 30-26 iskor ang mga judge mula Russia, Sri Lanka at Cuba upang sundan ang pagwawagi ng kakampi na si flyweight Roldan Boncales Jr. na nanaig naman noong Sabado ng gabi.
Hindi naman nagpaiwan sa women’s flyweight division si Petecio matapos nitong itala ang 3-0 panalo kontra sa iniulat na may dugong Pilipino na si Jennifer Chieng ng Micronesia.
Nakolekta ni Petecio ng iskor na 40-36, 40-36 at 40-35 mula sa tatlong hurado para manalo.
Nakatakda namang sagupain ni men’s flyweight Roldan Boncales Jr. kahapon si Olzhas Sattibayev ng Kazakhstan gayundin si lightfly Rogen Ladon na haharap kay Tosho Kashiwasaki ng Japan. —Angelito Oredo
Suarez, Petecio usad sa Quarterfinals
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...