Pacquiao handa na kay Bradley

KATULAD ng isang baterya na na-recharge, buong lakas at enerhiya ang ipinakita ni Manny Pacquiao sa kanyang sparring at training kahapon.

At dahil sa impresibong pagpapakita ni Pacquiao, nasabi ni chief trainer Freddie Roach na handa na itong lumaban kay Timothy Bradley.

“Yes, he’s ready,” sabi ni Roach sa Pinoy mediamen na nasa Wild Card Gym kahapon.

Nakapagpahinga ng husto matapos ang training break na ibinigay ni Roach noong isang araw, parang mas batang Pacquiao ang nakita kahapon sa dalawang oras na afternoon session.

Pinaikutan ni Pacquiao ang mga sparring partners na sina Ghislain Maduma (limang round) at Lydell Rhodes (apat na round) at pinadugo ang labi ng Congolese-Canadian na si Maduma, na ginagaya ang porma ni Bradley sa opensa.

Ang intensidad at bangis ni Pacquiao ay umabot din sa mitts session kung saan binigyan niya si Roach ng matinding kumbinasyon na ang ingay ay maririnig hanggang sa parking area sa saradong pinto ng gym.

Pero hindi pa tapos si Pacquiao.

Ipinakita ng multi-division world champion ang pagiging agresibo sa halos walang humpay na pagsuntok sa heavy bag, double-end bag at speed ball.

Kaya naman nagmukhang nasa 20-anyos pa lamang at hindi 37-anyos si Pacquiao sa ipinakita nito sa kanyang ensayo.

Kaya naman maging si assistant trainer Buboy Fernandez ay nasabi na: “Basta itutumba natin ‘yan” na ang tinutukoy ay si Bradley, na may 33 panalo, 1 talo, 1 draw na record na nilakipan niya ng 13 knockouts.

At ang pagkatalong iyon ng 32-anyos na si Bradley ay galing kay Pacquiao sa rematch nila noong 2014.
At sa ikatlo nilang paghaharap, gustong patunayan ni Pacquiao kay Bradley na siya ang mas mahusay na boksingero.

Ang desisyon ni Roach na bigyan si Pacquiao ng isang araw na pahinga ay naging maganda naman dahil ang  Sarangani representative ay magaang na tinakbo ang kanyang five-kilometer early morning run mula sa kanyang tahanan sa North Plymouth patungo sa Pan Pacific Park, nakapagpahinga ng maayos at naging handa sa kanyang afternoon workout.

“He looks good, he looks sharp,” sabi ni Roach. “He’s training as hard as ever.”

At alam ito ni Roach dahil nagsama na sila mula pa noong 2001, kung saan nakuha ni Pacquiao ang International Boxing Federation super bantamweight title mula kay South African Lehlo Ledwaba sa isang nakakagulat na panalo.

Matapos ang kanyang 28-round workout kahapon, bumalik si Pacquiao sa ring at nagsagawa ng abdominal exercises sa tulong ni assistant trainer Nonoy Neri at pinangasiwaan ni strength and conditioning coach Justin Fortune.

Read more...