Sa halip na magbakasyon at makapagpahinga ay ospital ang binagsakan ni Willie Revillame nu’ng nakaraang Mahal Na Araw. Plano pa naman sana niyang dalhin ang buong staff niya sa kanyang mansiyon sa Tagaytay para du’n sila mag-bonding.
Nu’ng unang gabi ay parang may sinat lang siya, pero matindi ang kanyang lagnat nang sumunod na araw, kaya kinailangan na siyang magpaospital. Matindi ang kanyang trangkaso, walang tigil ang kanyang ubo, harinawang hindi pneumonia ang tumama sa kanya dahil mahaba-habang pahinga ang kailangan niya kapag nagkataon.
Aminado naman si Willie na stress na ang umatake sa kanya. Ilang buwan na halos kasi siyang walang pahinga sa pagtatrabaho. Araw-araw ang Wowowin, isa’t kalahating oras ang kanyang programa, bukod du’n ay marami rin siyang dinadaluhang meeting bilang co-producer ng kanyang game show.
Iisa lang naman ang kanyang katawan, kung puwede lang sigurong pira-pirasuhin ‘yun ay magagampanan niya nang wagas ang kanyang mga trabaho, pero iisa nga lang siya na tumututok sa lahat-lahat.
Mas mahirap ang kanyang trabaho ngayon dahil hindi na siya basta host lang, co-producer na rin siya ng Wowowin, sila ng GMA 7 ang naghahati sa lahat ng gastos ng kanyang programa. Hindi pa naman sanay si Willie sa pagpapaubaya ng trabaho sa kanyang mga tauhan, kailangan pa rin niyang itsek na mabuti kung maayos ang lahat, kaya talagang stress ang kauuwian niya.
Kailangang magpagaling agad si Willie Revillame, isa siya sa mga personalidad na bawal magkasakit, dahil maraming kababayan natin ang naghihintay sa kanya araw-araw sa Wowowin.