Kaalyado ni PNoy hahatulan bukas

nerus acosta
Inaasahan ang paglalabas ng desisyon ng Sandiganbayan Fourth Division bukas ng umaga sa tatlong kaso ng katiwalian laban sa kaalyado ni Pangulong Aquino na si Presidential adviser for environmental protection at Laguna Lake Development Authority general manager J.R. Nereus Acosta.
Ayon sa kalendaryo ng korte, alas-8:30 ng umaga itinakda ang pagbasa sa desisyon.
Kasama sa hahatulan ang ina ni Acosta na si dating Manolo Fortich Mayor Socorro Acosta ng Bukidnon na mayroong isang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang kasong graft ay may kaakibat na kaparusahang anim hanggang 10 taong pagkakakulong.
Ang mga kaso ay isinampa noong 2009 ni dating Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez.
Ang dalawang kaso ay kaugnay ng paglalagay ni Acosta ng kanyang pork barrel fund sa Bukidnon Integrated Network of Home Industries, Inc. isang non-government organization noong 2001 na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Dalawa sa incorporators ng BINHI ay kamag-anak ni Acosta— ang kanyang ama na si Juan Acosta at tiyahin na si Ma. Anemia Bornidor.
Ang ikatlong kaso ay kaugnay ng paglalagay ni Acosta ng kanyang pork barrel sa Bukidnon Vegetable Producers’ Cooperative noong Hulyo 2, 2002. Ang mag-inang Acosta at si Bornidor ay incorporators umano ng naturang NGO.
Si Acosta ay kongresista ng Bukidnon mula 1998 hanggang 2007. Natalo siya ng tumakbo sa pagkasenador noong 2010.

Read more...