OKLAHOMA CITY — Gumawa si Russell Westbrook ng 21 puntos, 15 assists at 13 rebounds para pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa panalo kontra Houston Rockets, 111-107, sa kanilang NBA game kahapon.
Itinala ni Westbrook ang kanyang ika-15 triple-double ngayong season at ika-34 sa kanyang career. Ito rin ang pinakamaraming triple-double ng isang player sa isang season magmula noong 1988-89 kung saan nagtala rin ng ganitong karami sina Magic Johnson (17) at Michael Jordan (15).
Ito rin ang ikaanim na triple-double ni Westbrook ngayong Marso. Ayon sa STATS, ito ang pinakamaraming ginawa ng isang player sa isang calendar month magmula ng magtala si Jordan ng pitong triple-double noong Abril 1989. Ito rin ang ikatlong sunod ni Westbrook at ikaapat sa huling apat na laro.
Umiskor si Kevin Durant ng 23 puntos habang si Dion Waiters ay nagdagdag ng 17 puntos para tulungan ang Thunder na manalo ng limang sunod na laro.
Nagtala si James Harden ng 24 puntos, career-high 16 assists at pitong rebounds para sa Rockets. Si Dwight Howard ay gumawa ng 16 puntos at 13 rebounds habang si Patrick Beverley ay nag-ambag ng 16 puntos.
Lakers 107, Grizzlies 100
Sa Los Angeles, umiskor si Jordan Clarkson ng 22 puntos habang si Kobe Bryant ay nagdagdag ng 20 puntos para sa Los Angeles Lakers na pinatid ang kanilang four-game losing streak.
Kumana si Bryant ng 12 puntos sa ikatlong yugto subalit ang superstar guard ay tuluyang pinaupo sa huling 4:20. Kinamada ni Brandon Bass ang walo sa kanyang 18 puntos sa ikaapat na yugto habang ang mga mas batang manlalaro ng Los Angeles ang nagsara ng larong ipinanalo nila laban sa playoff-bound Memphis Grizzlies, na nagwagi sa naunang tatlong laban ng dalawang koponan ngayong season.
Isinara naman ng Lakers, na hawak ang pinakamasamang record sa Western Conference, ang kanilang eight-game homestand sa pagtala ng tatlong panalo kung saan tinalo nila ang mga playoff contenders na Golden State Warriors at Memphis.
Naipasok ni Tony Allen ang lahat ng kanyang 12 tira at umiskor ng 27 puntos para sa Grizzlies, na galing sa dalawang sunod na panalo. Sina Zach Randolph at Lance Stephenson ay nagdagdag ng tig-16 puntos.
Heat 113, Pelicans 99
Sa New Orleans, gumawa si Hassan Whiteside ng 24 puntos, 14 rebounds at tatlong blocked shots para pamunuan ang Miami Heat sa pagwawagi laban sa New Orleans Pelicans.
Sina Dwyane Wade at Goran Dragic ay umiskor ng tig-23 puntos para sa Heat, na nagwagi sa siyam sa 12 laro na naglagay sa Miami sa posisyon para makahablot ng playoff seeding na aabot sa ikatlong puwesto sa Eastern Conference.
Kumana si Jrue Holiday ng 24 puntos para sa New Orleans subalit sumablay siya sa 16 sa kanyang 23 tira. Si Luke Babbitt ay nagtapos na may season-high 23 puntos para sa Pelicans.