Cogie nagpakasal na: Akala ni Mommy nagbibiro lang ako!
BUMALIK din agad sa Amerika ang ina at kapatid ni Cogie Domingo pagkatapos ng civil wedding nila ni Ria Sacasas. Ang pagpapakasal lang ng kanyang bunso ang dahilan ng pag-uwi ni Mommy Zeny Domingo, gaano man ito kaabala sa kanyang trabaho sa Amerika ay mahigpit ang pakiusap ni Cogie, kailangang kumpleto ang kanilang pamilya sa kasalan.
Binigyan ng trabaho si Cogie ng kanyang amang abogado, siya na ang namamahala ngayon sa mga negosyo nito sa iba-ibang probinsiya, enjoy naman ang guwapong aktor sa bagong linyang pinagkakaabalahan niya ngayon.
Ito ang klase ng relasyong walang halong pretensiyon. Si Cogie ay may anak sa dati niyang karelasyon at si Ria naman ay nagkaanak din sa isang pulitikong taga-Norte. Agad silang nakabuo ng isang masayang pamilya, mahal ni Ria si Rhianna, ang magandang anak ng aktor na ngayon ay puwedeng-puwede na ring mag-artista dahil magaling sumayaw at kumanta ang napaka-cute na bata sa napakamurang edad pa lang.
Kuwento ng guwapong aktor, “Akala nga ni mommy, e, nagbibiro lang ako nu’ng sinabi ko sa kanya na mag-aasawa na ako. Parang napahinto siya nang ilang seconds bago makasagot sa akin. Parang hindi pa rin siya naniniwala hanggang nu’ng matatapos na kaming mag-usap.
“Ria is not pregnant, talagang gusto lang naming magpakasal na para wala nang hadlang sa relasyon namin. Saka na ang church wedding, mag-iipon pa muna ako. “Susunod din kami kay mommy soon, bakasyon lang, nandito kasi ang nature ng job ko.
Paminsan-minsan, kapag may magandang offer, okey lang, hindi ko naman talaga maiiwanan ang acting.
“Buhay ko na ito, mahal ko ang trabaho ko, pero busy rin ako sa new job na ipinagkatiwala sa akin ni daddy. Supervisory job ito, nakaka-excite, bagong challenge sa buhay ko,” kuwento ng guwapo at magaling na aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.