Break muna sa Semana Santa

MABUTI naman at meron namang nagkusang mga politiko na makipag-ceasefire sa kani-kanilang mga kalaban bilang paggunita at paggalang sa Mahal na Araw.

Tigil-bangayan at bakbakan ang pangako ng mga presidential bets na sina Senador Grace Poe at administration bet Mar Roxas. Pahinga muna rin sa pangangampanya para bigyang panahon ang pagtitika at makapag-reconnect sa kani-kanilang pamilya matapos ang ilang linggong walang patid na panliligaw sa mga botante sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Harinawa maging ang kampo nina Vice President Jejomar Binay at Davao City mayor Rodrigo Duterte, na walang pormal na anunsyo o panawagan para sa isang “political ceasefire” ay magkukusang manahimik ng ilang araw bilang paggalang na rin sa Mahal na Araw.

Nanawagan at mahigpit din ang babala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na bawal ang mangampanya ngayong Huwebes Santo at lalo na bukas ng Biyernes Santo, ang araw na dapat ay pasimula ng campaign period para sa mga nagsisitakbo sa lokal na posisyon.

Ito ay alinsunod na rin sa itinatakda ng Omnibus Election Code na nagbibigay sa mga kandidato sa lokal na posisyon ng 45 araw para makapangampanya – ibig sabihin simula sa March 25 hanggang Mayo 7.

Pero dahil nga tumapat sa banal na araw ang pasimula ng campaign period, nag-atas ang Comelec na sa Marso 26 na lang simulan ang kampanyahan.

Hindi naman siguro kawalan ang isang araw sa mga local candidates kung hindi sila makapangampanya ng Biyernes Santo? Tutal, bago pa man dumating ang opisyal na araw ng campaign period ay matagal na silang nakapagsimulang bumida, magpa-gwapo o mag-maganda sa kani-kanilang nililigawang mga botante.

Hindi ba obvious na nangangampanya na sila bago pa ang pasimula ng campaign period? Andiyan at nagkalat ang kanilang mga polyetos, poster, sticker; nariyan din ang maya’t maya nilang radio at television ads, kaya nga hindi na kawalan ang isang araw na pahinga mula sa mga gawaing ito.

Kaya nga break muna, at bigyang halaga sana ng mga kandidato sa national at local posisyon ang isa sa pinakamahalagang araw ng sangkatauhan para alalahanin ang paghihirap at pagdurusa ni Hesu Kristo na namatay sa krus para sa kasalanan ng lahat.

Read more...