MAGSASAGUPA ang mga pinakamagagaling na batang chess players ng bansa sa 2016 National Age Group Chess Championship Grand Finals na gaganapin sa Abril 1-8 sa Centennial Arena sa Laoag City, Ilocos Norte.
Isinasagawa kada taon ng National Chess Federation of the Philippines at ihohost ng Provincial Government of Ilocos Norte, ang isang linggong torneyo ay katatampukan ng mga magwawaging woodpushers sa kani-kanilang age group categories na mula sa iba-ibang bahagi ng bansa.
Ang unang tatlong puwesto ay magkakakaroon ng pagkakataon na makalahok sa Asian Age Group tournament sa Singapore.Una munang gaganapin ang opening ceremony na agad susundan ng unang round sa Abril 2 habang ang awarding ceremony ay gaganapin sa Abril 7.
Ang lahat ng mga finalist na manlalaro ay ititira sa Ilocos Norte National High School (INNHS) Vocational Compound na halos katabi lamang ng paggaganapang lugar ng kompetisyon. Para sa iba pang detalye ay makipag-usap lamang sa NCFP Secretariat sa 099-52348200.