BIBIGYANG parangal ni dating Pangulong Fidel V. Ramos at ang popular na health guru na si Cory Quirino ang mga bayani sa bansa sa Araw ng Kagitingan Fun Run na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC). Gaganapin ang 3K at 5K fun run sa Abril 9 sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Isasagawa ng PSC ang aktibidad bilang pagkilala nito sa kabayanihan at tapang ng mga Pilipino at upang mabigyan ang mga mamamayan ng saya at katuwaan sa pagtakbo kasama mga matataas na opisyales at mga bayani ng bansa.
Inaasahan din na makikilahok ang mga national athletes at coaches bilang guest runners. Sisimulan ang patakbo ganap na alas-5 ng umaga sa harap mismo ng Quirino Grandstand bago tahakin ang ruta na dadaanan ang Ospital ng Maynila sa Malate pabalik sa Luneta Park.
Magbibigay ng cash prize para sa unang tatlong puwesto sa 3K at 5K habang magbibigay din ng singlet sa unang 1,500 finishers. Maaaring magparehistro ng libre sa PSC Athletes Dining Hall sa Malate. —