Bilyonaryong kandidato namimigay ng P1,000

TAPOS na ang Pasko pero tuloy pa rin ang bigayan ng biyaya sa bahay ng isang mayoral candidate sa Bulacan.

Bukas ang bahay ng nasabing kandidato mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Martes hanggang Biyernes.

Sarado kapag Lunes dahil naniniwala siya sa feng shui na hindi dapat naglalabas ng pera sa tuwing unang araw ng bawat linggo.

Sinabi ng ating Bulakenyong Cricket na P1,000 kung mamigay ng pera ang bilyonaryong kandidato.

Simple lang naman ang kanyang rule, dapat may dalang ID para patunayan na tunay na residente sa lugar ang nabibigyan ng pera.

Bawal din ang camera at dapat daw ay naka-off ang cellphone para walang ebidensiya.

Malinaw na panunuhol ang nasabing gawain pero itinatago nila sa likod ng election law sa katwirang hindi pa naman nagsisimula ang kampanya para sa mga local positions.

Naniniwala kasi ang kandidatong ito na pera lang ang paraan para matalo niya ang kalaban na matagal ng naglilingkod sa kanilang lugar.

Mababa ang pagtingin niya sa mga botante na para sa kanya ay may katapat na halaga.

Kundi daw niya gagamitan ng pera ay baka sa kangkungan lang pulutin ang kanyang ambisyom na maging mayor sa kanilang lugar.

Para makatiyak ng panalo, binili na rin ni Mr. Candidate pati ang suporta ng mga dating kaalyado ng nakaupong alkalde.

Tinapatan niya ng pera ang loyalty ng nakaupong vice mayor, mga konsehal pati na rin ang mga barangay officials sa kanilang lugar.

Hindi na kailangan ng mabigat na clue dahil kilalang kilala ng mga taong nangangailangan ng biglaang pera ang negosyo ng tinutukoy nating kandidato.

Pwede kayang sabihin na lang ang pangalan niya rito para dumugin ang kanyang bahay ng mga nais magkaroon ng instant P1,000? Ay, ‘wag na lang.

Para sa komento o reaksyon, mag-text sa 09178052374 o kaya ay mag email sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...