Sa kontrobersiyal at mainit pa ring pinag-uusapang Presidential Debates 2016 nu’ng Linggo nang hapon na ginanap sa Cebu City ay may inaanunsiyong winner ang ating mga kababayan.
Hindi si Senadora Grace Poe. Hindi rin si Mayor Rodrigo Duterte. Hindi si VP Jejomar Binay at lalong hindi si Secretary Mar Roxas. And the winner is…Ms. Luchi Cruz-Valdes!
Una, agarang inamin ng hepe ng News 5 na nagkaroon siya ng pagkukulang dahil sa pagpayag niyang magdala ng notes si VP Binay sa podium, ‘yun ang kinontra ng mga kinatawan ng COMELEC kaya na-delay nang mahigit na isang oras ang padedebate ng mga tumatakbo sa panguluhan.
Ikalawa, hindi biro ang umawat sa mga nag-aargumentong pulitiko na may kani-kanyang opinyon at paninindigan tungkol sa maraming isyu, isang matapang at nasa huwisyong moderator lang ang makagagawang patahimikin ang mga nagtatalu-talo na nagawa ng hepe ng News 5.
Ikatlo, hindi natakot si Ms. Luchi Cruz-Valdes na pumagitna sa mga manok na nagsasabong, talagang panay-panay ang kanyang paalala na tapos na ang oras na ibinigay sa mga kandidato pero naitawid niya ‘yun sa isang marespetong paraan.
At iba talaga ang atake ng isang journong sanay nang mapagitna sa maraming laban. Buo ang kanyang loob, may sustansiya ang kanyang mga sinasabi, hindi napapatid ang kanyang paninindigan mula sa umpisa hanggang sa huli.
Maligayang bati sa hepe ng News 5. Maraming salamat sa paghahain sa publiko ng debateng tunay na debateng matatawag. Walang harang, walang takot, walang inuurungan. Mabuhay ang buong tropa ni Ms. Luchi Cruz-Valdes. Mabuhay ang TV5!