Aabot sa P310 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat habang anim na umano’y pusher, kabilang ang dalawang Chinese national, ang naaresto nang magsagawa ng mga buy-bust operation ang pulisya sa Quezon City at Pasay City Lunes ng gabi at Martes ng umaga.
Unang nadakip ang Chinese national na nakilala sa pangalang Jose Tan, tubong Fujian pero naninirahan sa Meycauayan City, Bulacan; at si Rodel Tolica, residente ng Tiaong, Quezon, sabi ni Dir. Joel Pagdilao, hepe ng National Captial Region Police Office (NCRPO).
Dinampot ng mga elemento ng NCRPO Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group sina Tan at Tolica sa buy-bust operation na isinagawa sa Greenmeadows Ave., Brgy. Ugong Norte, alas-11:55 ng gabi, ani Pagdilao.
Nakumpiska sa dalawa ang aabot sa 20 kilo ng hinihinalang shabu, dalawang unit ng Toyota Fortuner na may mga plakang UKI-228 at ZMW-887, at ang P5 milyong “buy-bust money,” aniya.
Dakong alas-8 naman ng umaga nang madakip sina Ann Liu, Dante Pelana, at Walt Navarro sa isa ring buy-bust sa panulukan ng Service Road ng Roxas Blvd. at Perla st., Pasay City.
Nakumpiska ng mga elemento ng Southern Police District sa tatlo ang humigit-kumulang 10 kilo ng hinihinalang shabu, isang Toyota Vios sedan, at ang ginamit na “boodle money,” ani Pagdilao.
Kasunod nito’y isa na namang Chinese national ang nadakip ng mga elemento ng SPD sa paradahan ng isang fastfood outlet sa Macapagal Blvd. alas-10:15 ng umaga.
Dinampot si Shengli Cai, nakatira sa isang gusali sa Ongpin st., Binondo, Manila, nang makuhaan ng aabot sa 32 kilo ng hinihinalang shabu, ani Pagdilao.
Kinumpiska rin ng mga alagad ng batas sa banyaga ang ginamit nitong Mitsubishi Lancer sedan (WFX-618) at nakuha sa kanya ang perang ginamit “pambili” ng shabu.
Hinahandaan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Law ang mga suspek, ani Pagdilao.