Mahindra Enforcers ginulat ang Alaska Aces

Mga Laro sa Linggo
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Blackwater vs NLEX
5:15 p.m. Star vs San Miguel Beer

KINAMADA ni Aldrech Ramos ang lahat ng kanyang 25 puntos sa second half para pamunuan ang Mahindra Enforcers na mapigilan ang Alaska Aces, 102-94, at mapatid ang tatlong sunod na pagkatalo sa kanilang 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Bumira si Ramos mula sa bench ng 11-of-15  field goals kabilang ang dalawang 3-pointers para tulungan ang Enforcers na mapigilan ang pagbangon ng Aces.

Bunga ng panalo, umangat ang Mahindra sa 4-4 kartada at nanatiling matatag sa pagkubra ng puwesto sa playoffs.

Nalasap naman ng Alaska ang kanilang unang losing streak sa kumperensiya at nabigong makisalo sa itaas ng team standing matapos malaglag sa 5-3 record.

Gumawa si Augustus Gilchrist ng 17 puntos, 15 rebounds at pitong assists habang sina Niño Canaleta, Karl Dehesa at LA Revilla ay nag-ambag ng 16, 14 at 10 puntos para sa Enforcers na ang susunod na makakasagupa ay ang Meralco Bolts.

“It was a very important game for us, because we were coming off a (three-game) losing streak,” sabi ni Mahindra coach Chito Victolero. “We needed to bounce back (from those losses) because we know we still have a chance (to make the playoffs).”

Si Shane Edwards ay nagtala ng 24 puntos habang si Calvin Abueva ay kumana ng 15 puntos para pangunahan ang Aces.

Bagamat nagawang makadikit ng Aces sa 82-80, kinapos pa rin ang kanilang paghahabol matapos maghulog si Ramos ng dalawang tres sa huling 3:19 ng laro para tuluyang makalayo ang Enforcers, 96-87, sa huling 1:45 ng labanan.

Sumablay si Ramos sa kanyang unang tatlong tira sa first half subalit bigla siyang uminit sa second half kung saan kinamada niya ang 16 puntos sa ikaapat na yugto mula sa 7-for-8 field goal shooting.

Read more...