ANO kaya ang pakiramdam ng Liberal Party sa bagong paandar ng vice presidential bet nilang si Camarines Sur Rep. Leni Robredo?
Noong isang linggo ay ipinunto ng kanyang kalaban sa posisyon at kababayan na si Sen. Chiz Escudero na umangat ang rating ni Robredo sa mga preelection surveys dahil ito ay “suportado ng administrasyon, buong makinarya ng administrasyon at marami silang pera” kumpara sa kanya na bagaman “wala naman akong pera tulad nila, wala naman akong makinarya tulad nila” ay nakalalamang pa rin.
Ang resbak ni Robredo, sa pagtatangkang mabutata si Chiz at magmukhang kalugod-lugod sa mata ng mga botante, ay hindi raw makinarya at pera ang nagpapatabo ng kanyang kampanya kundi ang “tulong ng mga volunteer at mga tagasuporta na naniniwala sa ating malinis na adhikain para ipaglaban ang mga nasa laylayan ng lipunan.”
Wow naman, parang sagot lang sa mga beauty contest.
Sa sinabi niyang ito ay parang sinabi rin niyang wala palang naipapala si Pangulong Aquino at ang buong LP sa pagbango ng pangalan niya sa mga Pinoy.
Walang silbi kung ganoon ang mga advertisement niya sa TV at radyo, na siguradong pakana ng partido, na ipinangangalandakan ang mga nagawa niya bilang mambabatas at gagawin niya sakaling mahalal.
Wala rin palang bigat ang ginawang pagdedeklara ng suporta sa kanya ng mga lokal na opisyal na miyembro ng partido dahil marami naman siyang volunteer.
At walang saysay pala ang pagod ng mga taga-LP na nagdadala sa kanya sa iba-ibang panig ng bansa para makapangampanya siya.
Nakalimutan na ba ni Robredo na iilan-ilan lang ang nakakakilala sa kanya sa labas ng Camarines Sur bago siya ginawang second choice para ka-tandem ni Mar Roxas?
Spell “utang na loob.”
Kaya hindi na kami magtataka kung may ilang taga-LP ang lihim na natutuwa na nilangaw ang kampanya ni Robredo sa Laoag, Ilocos Norte kamakailan.
Di gaya ng pagbisita ni Sen. Grace Poe na mainit na tinanggap ng mga Ilokano kahit hindi ito ang ka-tandem ng pambato nilang si Sen. Bongbong Marcos, walang kasing-dedma ang ipinadamang resepsyon ng lalawigan sa kanya.