PAHINGA muna sa pangangampanya ang mga naglalaban-laban sa panguluhan. Nangingilin din ang mga pulitiko, iginagalang din nila ang Mahal Na Araw, pero hindi nila sinasayang ang panahon.
Nag-iikot pa rin sila, umaamot ng boto sa ating mga kababayan, sayang nga naman ang pagkakataon na makakakuha pa rin sila ng boto mula sa mga taong namamahinga rin ngayon sa pagtatrabaho.
Meron pa ngang libreng sakay ang ibang mga pulitiko, nagrerenta sila ng mga sasakyang maghahatid sa mga kababayan natin sa iba-ibang probinsiya, sa kahit anong paraan ay nakakasungkit pa rin sila ng boto.
Sa katatapos lang na ikawalang sultada ng Presidential Debates ng TV5 ay nagiging malinaw na kung sinu-sino ang mga kandidato sa panguluhan na dapat nating suportahan.
Lumulutang na kasi ang tunay nilang ugali, kitang-kita na natin kung sino sa kanila ang pikon, kung sino ang mapagturo para lang makalusot sa ginagawang mga bintang sa kanya. Alam na rin natin ngayon kung sino sa kanila ang nag-aral muna ng leksiyon para maging handa sa debate.
Nakialam na ang bayan sa ipinakita nila. Umaani ng papuri si Senadora Grace Poe, marami namang aliw na aliw kay Mayor Rodrigo Duterte, napag-iwanan sa laban sina VP Jejomar Binay at Secretary Mar Roxas na sobrang mamersonal ng kanilang mga katunggali.
Isa pa uling debate at magkakaalaman na kung sinu-sino ang napipisil na regaluhan ng boto ng ating mga kababayan.
Ngayon ay meron na silang minamanok para sa pinakamataas na posisyon sa ating pamahalaan, tingnan na lang natin kung magbabago pa ‘yun, depende ang resulta sa ilalatag na plataporma ng kandidato at sa asal na palulutangin nila sa debate.