Utol ni Robin Padilla sa Munti ikukulong

ROBIN PADILLA

ROBIN PADILLA


Sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ikukulong ang kapatid ng aktor na si Robin Padilla.
Hindi na pinakinggan ng Sandiganbayan First Division ang mosyon ni dating Camarines Norte Gov. Casimiro ‘Roy’ Padilla Jr., na sa provincial jail na lamang siya ikulong.
“The time of imprisonment will commence to run from March 21, 2016,” saad ng utos na pinirmahan ni Associate Justice Reynaldo Cruz na ipinadala sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa.
Si Padilla ay naaresto noong nakaraang linggo matapos na magtago ng maging pinal ang desisyon ng Sandiganbayan na siya ay guilty sa kasong malversation of public property.
“Wherefore, in light of all the foregoing, the Court finds accused Casimiro A. Padilla Jr., aka Roy Padilla Jr., guilty…. hereby imposes upon him an indeterminate prison term of four months and one day of arrest mayor as minimum to four years and two months of prison correctional as maximum,” saad ng desisyon na pinalabas noong Nobyembre 27, 2012.
Siya ay pinagmumulta rin ng P200 at pinagbabawalan na humawak muli ng posisyon sa gobyerno.
Naging pinal na ang desisyon ng Sandiganbayan matapos na mabasura ang kanyang appeal sa Korte Suprema noong Abril 29, 2014. Nagpalabas naman ang Sandiganbayan ng arrest warrant kay Padilla noong Hulyo 31, 2014.
Nagtago si Padilla at nahuli noong Marso 17.
Ang kaso ay nag-ugat sa hindi naisoli na baril ni Padilla ng matapos ang termino nito. Pinalitan ni Padilla ang baril na ipinakumpiska rin ng korte.

Read more...