MULING nagharap-harap ang mga kandidato sa pagkapangulo sa ikalawang debate na ginawa sa UP Cebu.
Pero hindi nagsimula ng alas-5 ang debate kaya naman marami ang nainip sa paghihintay. Nagsimula ang debate pasado alas-6 ng gabi matapos na kuwestyunin ni Mar Roxas ang dala umanong mga papel ni Vice President Jejomar Binay.
Sinabi ni Roxas na nais magdala ng ‘notes’ ni Binay. Sinabi naman ng kampo ni Binay na hindi notes ang dala nito kundi mga dokumento.
Binigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na tanungin ang kanilang kalaban. Si Binay ang nagtanong kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte; si Duterte ang nagtanong kay Sen. Grace Poe; si Poe ang nagtanong kay Roxas at si Roxas ang nagtanong kay Binay.
Gaya ng nauna niyang ipinahayag, hindi nakarating si Sen. Miriam Defensor Santiago na ipagagamot ang kanyang stage 4 lung cancer.
Unang naitanong ang posisyon ng mga kandidato sa Freedom of Information bill. Lahat sila ay pabor na magkaroon ng batas kaugnay nito.
Sinita naman ang dalang papel ni Binay na isa umanong waiver upang mabuksan ang kanilang mga bank account. Ipinagbabawal ang pagdadala ng notes sa debate.
Sinabi ni Binay na pipirma siya kaagad ng Executive Order upang mapatupad ang FOI.
Sinagot naman ito ni Poe: “Maganda sanang pakinggan ‘yon subalit mawalang-galang na po VP Binay marami po kaming mga katanungan sa inyo na hindi naman din ninyo nasasagot sa Senado. Paano naman kami maniniwala na susuportahan ninyo ang tunay na freedom of information?”
Agad na naging mainit and debate nang magkasagutan si Poe at Binay sa isyu ng citizenship nito.
Sinabi ni Binay na ikinahiya ni Poe ang kanyang pagiging Pilipino ng manumpa ito kaya naging American citizen. Sagot naman ni Poe mas hindi Pilipino ang nanatili sa Pilipinas pero nagnakaw naman.
Walang binanggit si Poe kung sino ang kanyang tinutukoy subalit nag-react si Binay at mistulang siya ay tinamaan.
“Alam niyo, Mayor Binay, hindi lang po sa kulay ‘yan. Nasa pagmamahal. Nandito ka nga nakatira sa bansa pero nangulimbat ka naman ng pera,” ani Poe.
Inungkat naman ni Binay ang alegasyon laban kay Roxas kaugnay ng anomalya umano sa Metro Rail Transit deal. Wala pang kaso na naisasampa laban kay Roxas.
Na-delay man, hindi naman pinaikli ang debate na unang sinabi na tatagal ng tatlong oras.
MOST READ
LATEST STORIES