KINONTRA ni Jona (bagong screen name ni Jonalyn Viray) ang naging pahayag ng dati niyang kasamahan sa La Diva na si Aicelle Santos tungkol sa paglipat niya sa ABS-CBN.
Nakarating sa biriterang singer ang sinabi ni Aicelle na matagal na raw talagang gustong lumipat ni Jona sa Kapamilya network kahit pa noong buo pa ang kanilang trio (with Maricris Garcia) sa GMA 7.
Sa nakaraang press launch ng Himig Handog P-Pop Love Songs 2016 (OPM songwriting competition ng ABS-CBN at Star Music) kung saan isa si Jona sa magiging interpreter, sinabi ng singer na hindi raw ito totoo, “Paano po kaya iyon magiging posible kasi I’m still under contract with GMA?
“Parang sa sarili ko, paano ko masasabi na buo pa ang La Diva, e, gusto ko nang lumipat? Samantalang during those times, naka-focus po talaga ako sa La Diva,” paliwanag ni Jona.
Nang tanungin ang dalaga kung ano ang na-feel niya nang marinig niya ang sinabi ni Aicelle, “Kasi busy po ngayon sa pag-promote po namin ng Himig Handog, ayoko pong masyadong pag-focus-an iyon.
Siguro ang masasabi ko na lang po is medyo na-off po ako dahil alam ko naman sa sarili ko na hindi iyon totoo.
“Kasi during the time na buo pa ang La Diva, magkakagrupo, talagang doon ko po ibinuhos yung energy ko, yung focus ko. Marami kami noon naging projects, so naka-focus lang po ako doon.
“Hindi po ako nag-iisip na habang nandoon ka, e, gusto mo nang lumipat sa kabilang station. Wala po akong inisip na ganu’n,” aniya pa.
Siya raw talaga ang dahilan kung bakit nabuwag ang La Diva? “Ang masasabi ko po doon is kasi dumarating po sa point na kailangan niyo na rin pong mag-grow, mag-move on, para sa ikaka-better din ng ano niyo, ng craft.
“So, that’s why nag-decide din po ako na, ‘I think this is the time na to go back to my roots (solo singer).’ And I think naging better din naman po ang result with the other girls, dahil tingnan niyo rin po yung mga opportunities na dumarating sa bawat isa sa amin, at nirerespeto ko pa rin po sila,” pahayag pa ni Jona.
Samantala, narinig na namin ang kakantahin niya sa finals night ng Himig Handog 2016 na gaganapin sa April 24 sa KIA Theater, ang “Maghihintay Ako” composed by Dante Bantatua at in fairness, nakaka-LSS din ito tulad ng iba pang entries.
Bukod nga rito, gagawa rin ng album si Jona sa Star Music, “Nakakatuwa na ang daming ginagawa at may mga naka-line up pa,” chika pa ng dating Kapuso singer.
Anyway, tulad ng mga ga nakaraang Himig Handog, magwawagi ng P1 million ang grand prize winner, samantalang P500,000 naman ang mapupunta sa 2nd Best Song. Maaaring suportahan ng fans ang favorite song entries at interpreters nila sa pamamagitan ng pagboto sa iba’t ibang special awards categories. Bumoto sa MOR 101.9 para sa “MOR’s Choice” sa pamamagitan ng pag-text ng MORHHSONG <1 to 15> at i-send ito sa 2366 para sa lahat ng networks.