Ma’am,
AKO po si Ato.
Nag email po ako sa kadahilanang nais ko pong maging ware ang aming company sa hindi nila paghuhulog sa SSS, PhilHealth at iba pang mga benifits sa mga bagong empleyado na tulad ko na 1 year and 3 months na. Ang iba ay mas matagal pa sa akin.
Kasalukuyan po akong manggagawa dito sa John and Carl Trading. Marami po kaming branch sa Batangas, Cavite at Parañaque. Nagpa-follow up po ako sa kanila bakit wala po kaming hulog sa SSS kasi sayang naman kung wala. Sayang ang benefits na makukuha namin, saka sa Philhealth hindi rin natin masabi ang panahon kung magkasakit kami at maaksidente.
Sayang ang panahon na lumipas. Lagi na lang po kaming pinapaasa sa wala. Wala rin po kaming double pay kapag legal holiday. Ano po ang dapat naming gawin?
Marami pong salamat at umaasa.
Mga Walang Benefits
1. Driver
2 Pahinante
3. Warehouseman
4. Checker
5. Sales Refresentative
6. Cashier
REPLY: Bilang sagot po sa liham ng empleyadong diumano’y hindi ipinaghuhulog sa SSS ng kumpanyang kanyang pinapasukan, iminumungkahi po namin na siya po ay pormal na maghain ng reklamo sa sangay ng SSS na sumasakop sa lugar ng kanyang pinagtatrabahuan.
Wala po siyang dapat ikabahala kung magsusumbong sapagkat iti-nuturing po naming confidential ang kanyang pagkakakilanlan.
Kinakailangan lamang po niyang dalhin ang anumang katibayang magpa-patunay na siya ay empleyado ng inirereklamong kumpanya kagaya ng company ID, payslip o certificate of employment. Base sa kanyang reklamo, magsasagawa po ang aming nakatalagang account officer ng pormal na imbestigasyon. Sa oras na mapatunayang may paglabag ang kumpanya, sisingilin po sila para sa kontribusyon ng mga empleyadong hindi nila ipinaghuhulog sa SSS.
Sa simula ay magpapadala ang SSS ng billing statement na naglalaman ng kabuuang halaga ng mga bayarin para sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado. Kung hindi nila ito aksyunan, magpapadala na ang SSS ng demand letter na nagtatakda ng araw para tugunan ang kanilang obligasyon.
Kung sa kabila nito ay wala pa ring pagtalima ang employer, sila ay sasampahan na ng SSS ng kasong sibil at kriminal sa korte. Nahaharap po sa kasong estafa sa ilalim ng Revised Penal Code ang sinumang nagkaltas at hindi nag-remit ng SSS contributions. Mapapatawan din ang nagkasalang employer ng multa na P5,000 hanggang P20,008 at pagkakakulong na anim hanggang 12 taon.
Nawa’y nasagot namin ang kanyang katanungan.
Maraming salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security Officer IV
SSS Media Affairs
Department
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.