DAHIL lalong lumalala ang sitwasyon sa Libya, hindi na lamang simpleng pagpapauwi ang ginagawang paghimok ng gobyerno sa ating mga kababayan doon.
Sapilitan na nga at puwersado na ang pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Tripoli na iuwi ang may 3,000 pang mga Pilipino doon na pawang mga nagtatrabaho sa health sector.
Noong unang itinaas ang mandatory repatriation o crisis alert level 4 sa Libya, pinakiusapan mismo ang mga Pinoy nurses na maiwan na muna sa Libya dahil kailangang-kailangan ang kanilang serbisyo doon.
Alam naman natin ang mga Pinoy, mahabagin, madaling pakiusapan at hindi basta-basta tumatalikod sa kanilang mga tungkulin, kung kaya’t pumayag silang maiwan at patuloy na nagtrabaho sa mga hospital ng Libya.
Pero iba na ang kaso ngayon.
Sa pinakahuling balita ni Charge de Affairs Adelio Cruz, mas maigting at tumindi pa umano ang conflict ngayon sa Libya.
Kasabay pa ng balitang ito na hindi na rin nakatatangap ng kanilang mga sahod ang ating mga nurse doon pero atubili pa rin silang magdesisyon kung uuwi sa bansa dahil nagbabakasakali pa rin silang makakuha ng kanilang gratuity pay.
Kung matatandaan na noong isang taon ay nanatili sila sa Libya dahil sa pangako na rin na tataasan pa ang kanilang mga suweldo.
Ngunit hindi iyon nagkatotoo, at mas malala pa nga ang sitwasyon ngayon bukod sa hindi pa sila sumusuweldo.
Sana naman ang mga kamag-anak mismo ng ating mga OFW sa Libya ang siyang humimok sa kanilang mga mahal sa buhay na magsiuwi na rito at huwag nang habulin pa ang sweldong hindi pa natatanggap dahil mas mahalagang buhay silang makabalik ng bansa.
Mas malaking panganib kung wala na silang pagkakataon pang makalabas ng Libya kung tumindi pa lalo ang kalagayan doon.
Matagal nang sarado ang airport ng Libya at mahaba-habang land travel din ang kinakailangan upang makarating sa susunod na airport sa labas ng Libya.
Hindi ganoon kadaling ipayo sa ating mga OFW na umalis na muna at bumalik ng Pilipinas kahit wala pa ang kanilang sweldo, dahil walang katumbas na halaga ang buhay na maaaring maikumpromiso o mawala kung patuloy silang mananatili doon.
Hindi rin iyon maaaring matumbasan gaano man kalaki ang sweldo o gratuity pay na inaasahan.
Ayon naman sa pamahalaan, sila pa rin ang pangunahing prayoridad na makababalik sa Libya kung magiging maayos na ang sitwasyon doon. Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali. Maaaring tumawag sa aming Helpline: 0998.991.BOCW at bumisita sa aming Website: bantayocwfoundation.org at mag-email sa [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
