Most-feared tandem | Bandera

Most-feared tandem

Jimmy Alcantara - March 15, 2016 - 03:00 AM

MAY dapat nga bang ikatakot ang kanilang mga kalaban sa tambalang Grace Poe at Chiz Escudero? Kung ang pagbabasehan ay ang ilang beses na di pagpayag na makapangampanya sila sa ilang probinsya sa bansa, tila dinadaga nga ang dibdib ng kanilang mga katunggali. Pinigil ang political rally ng tandem sa Davao City, ang bailiwick ni Mayor Rodrigo Duterte. Ipinagpaliban nila ang kampanya sa siyudad at nagdesisyon na isagawa na lang ang mga sorties sa Leyte, ang bailiwick naman ng ina ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Pero gaya sa Davao ay hindi rin ito natuloy dahil na-ban umano sila na manghingi ng tulong mula sa publiko para mapuno ang lugar kung saan idadaos ang kampanya. Ang mas nakadidismaya ay sinabi ng mga opisyal ng barangay na kailangan nilang magbigay ng pera para payagan ang kanilang mga tagasuporta na dumalo sa aktibidad. Nasabi tuloy ni Chiz: “It’s unfortunate if this is true, because if there are indeed such maneuverings, it’s quite unfair, because, whoever is the current leader should allow the people to listen to the candidates, for other candidates to be heard, to express their views. In my province, in Sorsogon, Bicol, the stage will always be available to whoever wants to present their platform and programs. They will not be barred from speaking before the public.” May utos man nina Duterte o Marcos o wala, nakalulungkot at nakayayamot na parang astang-New People’s Army ang mga opisyal ng dalawang probinsya na kailangan munang maglagay (o padaanin sa mga pasikot-pasikot na proseso) para lamang makapangampanya ang kandidato. Baka naman talaga natatakot lamang ang mga kalaban nina Grace at Chiz na makaamot ng boto sa kanilang mga balwarte lalo pa at patuloy ang pangunguna ng dalawa sa mga survey para sa pangulo at ikalawang pangulo ng bansa. ***

KUNG maduduplika pa ng ibang pre-election polls ang pag-angat sa pinakabagong Social Weather Station (SWS) survey ng mga pambato ni PNoy na sina dating Interior Sec. Mar Roxas at Rep. Leni Robredo, isa lang ang ibig sabihin nito: hindi na nagpapakuya-kuyakoy lang o natutulog sa pansitan o naghihintay lang ng milagro ang mga kaalyado ng administras-yon at, sa wakas, kumikilos na ang mga ito para mapataas ang numero ng kanilang mga kandidato. Mula sa kalunos-lunos na posisyon sa mga nagdaang survey ay umangat si Roxas ng 22 percent sa SWS mula sa 18 percent kaya statistically tied na sila ni Vice President Jejomar Binay sa ikalawang puwesto habang nakakuha si Robredo ng 24 porsyento at nasa ikalawang puwesto na ito sa sinusundang sina Sen. Chiz Escudero at Sen. Bongbong Marcos. Kung sumipa ang dalawa sa rating, nagsilagpakan naman ang puntos ng ilan sa kanilang kalaban gaya nina Binay, Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Allan Peter Cayetano. Sa pag-ariba nina Roxas at Robredo sa nasabing survey ay masasabing sumisipa na at may kinahinatnan na ang higanteng makinarya ng Liberal Party, ang nangungunang partido sa bansa kung saan nakopo ng mga miyembro nito ang apat sa 24 na puwesto sa Senado at 111 sa 292 puwesto sa Kamara samantalang aabot sa 34 sa 71 na gob ernador ay taga-LP rin, 38 sa 71 na bise gobernador at 300 sa 1,006 na provincial board members. Maaari ring may-konek sa publiko ang mga political ads ng dalawang kandidato na paulit-ulit na napapanood. Simple at wala ngang drama ang kay Roxas at fun at makulay ang kay Robredo. Isa pang maaaring nagpataas ng puntos nila ay ang hataw kung hataw na pangangampanya sa kanila ni PNoy. Dedma lang ito kahit sabihin ng ibang kandidato na unfair ang kanyang ginagawa. Sa katunayan, kamakailan ay bumuntot din ito sa kanyang mga kandidato sa vote-rich Pangasinan para manuyo ng boto. Kung sapat na ba ang mga ito para maungusan ang kanilang mga kalaban, abangan ang susunod na survey.

*** Para sa komento o tanong, mag-text sa 09178052374 o kaya ay mag-email sa inquirerbandera@gmail.com

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending