Teodosio nagtala ng juniors record sa Philippine National Games

March 11,2016
share this

Teodosio nagtala ng juniors record sa Philippine National Games

March 11,2016
share this

LINGAYEN, Pangasinan — Nagtala ng bagong juniors record si Aira Teodosio ng University of Santo Tomas sa hammer throw habang patuloy namang dinodomina ng mga miyembro ng pambansang koponan ang ginaganap na national championships ng 2015-16 Philippine National Games (PNG) dito sa Narciso Ramos Sports and Civic Center.

Nakakolekta na ng 49 gintong medalya, 20 pilak at walong tanso sa anim na sports ang Philippine team.
Hindi naman nagpatalo si Teodosio nang ihagis niya ang martilyo sa layong 38.9 metro.

“Medyo mababa po ang hagis ko kasi pagod pa po dahil last week lang natapos ang competition namin sa UAAP,” sabi ng 19-anyos na si Teodosio na tubong-Silay, Negros Occidental.

Sa nakalipas na UAAP athletics meet, nakapagtala si Teodosio ng 40.70 metro sa nasabing event pero hindi ito kinilala bilang national juniors records dahil sa teknikalidad.

Ang dating national juniors record ay ginawa ng isa pang taga-UST na si Jessa Mae Fernandez na nakahagis ng 37.51 metro sa UAAP noong 2013.

Hangad ni Teodosio na makapagtala ng isa pang record sa  pagsabak nito sa paboritong discus throw kung saan hawak nito ang PNG record na 31.02m.

Kasalukuyang hawak ni Lorelie Amahit-Sermona ang national women’s record na 50.55m. Ikatlo si Teodosio sa all-time list sa discus throw sa likod ni Sermona at dating national athlete na si Roselyn Hamero na may 43.04m.

Samantala, hindi naman nagpaiwan ang two-time Olympian na si Hidilyn Diaz matapos itala ang kanyang personal best na 120kg lift sa clean and jerk kahit na mababa ang kanyang nabuhat sa snatch na 92kg para sa total lift na 212kg. Ang personal best ni Diaz sa snatch ay 98kg na itinala nito sa 2012 London Olympics.

Si Diaz  ay nagtala ng 96kg at 117kg (213kg) para manalo ng tatlong tansong medalya sa World Weightlifting Championship noong isang taon sa Houston, Texas, USA.

Pinilit din ni Nestor Colonia na higitan ang kanyang personal best na 124kg sa snatch at 150kg sa clean and jerk subalit nabigo. Tinangka ni Colonia na iangat ang 125kg subalit kinapos ibalanse habang 155kg sa clean and jerk na hindi nito nakumpletong maiangat na maayos.

Samantala’y tatlong ginto pa ang idinagdag ni Mary Angelic Saavedra sa pagwawagi nito sa 200m freestyle (2:20.80s), 100m back (1:19.98s) at sa 400m Individual Medley (5:33.74s) upang tanging atleta na nakapag-uwi ng kabuuang anim na ginto. Una na itong nagwagi sa 400m freestyle, 200m backstroke at 200m butterfly.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending