IBANG-iba na nga ang kaisipan ng ating mga kababayang marino.
Kung dati-rati, tinatagurian silang “one day millionaire, 29 days broke”, hinding-hindi na ngayon.
Palibahasa’y may pera, kung kaya’t todo-todo rin ang kanilang paggastos noon.
Mulat na mulat na nga sa realidad ng buhay ang ating mga marino. Gayong aminado sila na malaki ang kanilang mga sinasahod, ngunit alam din nilang walang kasiguruhan ang pagbabarko.
Sa bigat nga naman ng trabaho sa barko, maaaring bukas makalawa, dapuan sila ng sakit na maaaring magpagupo sa kanila at di na makabangon pa.
Kung malakas pa naman at hindi masasakitin, ngunit matanda na, maaaring hindi na rin makasakay ng barko. Gayong walang age limit sa pagsampa ng barko, ngunit mas gusto at hinahanap pa rin ng mga foreign principal ang mga batang marino.
Aminado rin kasi ang ilan nating mga seafarer na kahit pa nga tumataas nang tumataas ang kanilang sahod kasabay ng pagtaas ng kanilang ranggo, hindi pa rin sila nakapag-ipon at hindi napaghandaan ang pagreretiro.
Mas malaki ang takot nila ngayon dahil kapag hindi na sila puwedeng sumakay ng barko, mas mahirap para sa kanila ang buhay na walang aasahan, walang babalikan, walang kabuhayan at walang pera.
Depresyon ang posibleng idulto nito.
Sa kabilang banda, maaari ring isisi sa mga kapamilyang hindi naging masinop sa mga perang padala ng marino. May mga asawang nagwaldas, mga anak na nagpakalunod sa luho, at iba pang miyembro ng pamilya na puro lamang hingi.
Sabi ng isang opisyal ng barko, iniisip pa lang niya na puwedeng isang araw gigising na lamang siyang hindi na pala siya puwedeng mag-barko, parang pinatay na rin ‘anya siya.
Sanay silang maraming pera, sila ang nagbibigay at hindi nanghihingi, sila ang palaging inaasahan.
Kaya ngayon dapat “ipon marino” na ‘anya sila upang mabigyan ng katuturan ang mga katagang “kayod marino”.
Trabaho lang ng trabaho, iyan ang alam nila sa buong panahon ng kanilang pagbabarko. Ngayon, mas tutok sila kung paanong pangangalagaan ang kanilang mga kinikita, kailangang palaguin pa nila iyon at nang tiyak na may aabutan sila sa panahon ng kanilang pagreretiro.
May mga asawa naman na talagang nakikipagtulungan sa mga asawang marino at sila naman ang dumadalo sa mga paseminar para sa tamang paghawak ng pera at maging matalino sa paggastos at matutong magtipid sa lahat ng panahon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.