Palasyo itinangging bangkarote na ang PhilHealth


MARIING itinanggi kahapon ng Palasyo na bangkarote na ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) matapos ang ulat na tatagal na lamang ng anim na buwan ang pondo nito dahil sa naging maling palakad ng mga opisyal.

Sa isang text message, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na mismong si PhilHealth President Alex Padilla ang nagbigay ng pahayag para itanggi ang ulat.

“Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng PhilHealth ang balitang anim na buwan na lamang ang itatagal ng pondo nito sa dahil sa umano’y nauubos na pondo ng korporasyon,” sabi ni Coloma.

Idinagdag ni Coloma na batay sa paliwanag ni Padilla na hindi naging tama ang ginawang pagbabalita kaugnay ng naging pahayag ng isang miyembro ng board ng PhilHealth matapos humarap sa lokal na media sa Bicol.

“Nanindigan ang PhilHealth na hindi sila magsasara sa susunod na anim na buwan at nangakong pagbubutihin ang koleksyon at serbisyo sa mga miyembro ng korporasyon,” dagdag ni Coloma.

Hindi naman sinagot ni Coloma ang batikos ng mga netizen sa dating opisyal ng Philhealth na si Risa Hontiveros na tumatakbo ngayon bilang senador sa ilalim ng LP sa harap ng alegasyon ng maling palakad ng siya ay nasa ahensiya pa.

Read more...