Kim buntis daw: Hindi po, puson lang ‘yun!
“MALAKI lang talaga ang puson ko!” Ito ang naging depensa ni Kim Chiu nang matanong kung totoo ba ang tsismis na buntis siya at si Xian Lim daw ang tatay. Ayon sa lead star ng Primetime Bida series na The Story Of Us sa ABS-CBN, matagal na raw nababalita na buntis siya pero hanggang ngayon daw ay hindi pa rin lumalaki ang tiyan niya.
“Lagi talaga akong nagaganu’n (nagdadalang-tao raw), malaki talaga ang puson namin. Nasa pamilya namin talaga ‘yun, kaya nga lagi akong nag-e-exercise plus diet,” chika ng dalaga. Hirit pa nito sa isang panayam, “Nakailang beses na akong naganyan, pero ilang taon na siya sa tiyan ko, hindi pa rin siya lumalabas.
Alam n’yo, kapag may fitting nga ako ng damit, hindi muna ako kumakain. Du’n napupunta ang taba ko, wala sa arms, wala sa hita ko, nasa face tsaka sa tiyan.” Sa nakaraang presscon naman ng The Story Of Us, tinanong si Xian kung ano ang reaksyon niya tungkol sa balitang buntis daw si Kim at siya ang ama, natatawang sagot ng binata, “Ngayon ko lang din narinig ang isyung ‘yan.
Siyempre hindi. Nakakagulat lang… baka mag-tumbling ako!” Samantala, inamin na rin sa wakas ni Xian na totoong nagmamahalan na sila ni Kim, pero ayaw pa rin nila itong lagyan ng label. Tumanggi rin ang aktor na ibandera sa buong mundo kung kailan siya sinagot ni Kim, “Hay naku, mahirap! Kasi, kapag naglagay tayo ng exact date, e, baka naman…di ba? Mahirap! It’s not gonna be spontaneous, it’s not gonna be…mahirap mag-set ng real time.”
Nagkakaintindihan na raw silang dalawa, at handa silang gawin ang lahat para mapasaya ang isa’t isa. Sey pa ng Kapamilya hunk actor, “Ang napag-usapan pa namin ni Kim, just in case na magkakaroon kami ng misunderstanding, ayusin na kaagad namin.
Hindi na namin kailangan pang mag-away sa Internet. Para lang…we also have to set an example.” Siniguro rin ni Xian na wala na siyang ibang babaeng tinitingnan ngayon, kay Kim lang daw naka-focus ang kanyang atensiyon ngayon.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ng The Story Of Us, kailangan daw abangan ng KimXi fans ang mga eksena nina Kim at Xian sa New York, USA. First time palang nag-taping ang magdyowa sa ibang bansa kaya napakarami raw nilang masasayang memories doon.
Kuwento ni Kim, isa raw sa hindi niya malilumutan sa pagte-taping nila sa New York ay ang pagluluto lagi ni Zsa Zsa Padilla, ang gumaganap na tunay na nanay niya sa kuwento ng serye. “Lahat kami nadagdagan ng timbang.
Ang sarap kasi magluto ni Ms. Zsa Zsa, yung adobo tapos the next day kare-kare naman,” ani Kim. Para naman kay Xian, hindi niya malilimutan ang napakainit na pagtanggap sa kanila ng mga Pinoy sa New York, “Kakaiba silang mag-alaga sa amin doon.
Kapag nagsu-shooting kami, mapapadaan sila. Akala mo mag-wave lang sila and that’s it pero babalik sila may dala ng pizza or kahit ano pagkain para sa amin. Ang saya.” Samantala, inilunsad din ng ABS-CBN ang isang advocacy campaign na magbibigay pugay sa mga Pilipinong nakikipagsapalaran upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.
Sa The Story Of Us Documentaries na eere sa mismong programa simula sa susunod na linggo, itatampok ang iba’t ibang makukulay na kwento at karanasan ng mga migranteng Pinoy sa ibang bansa. Tutukan gabi-gabi ang The Story Of Us pagkatapos ng Dolce Amore sa ABS-CBN Primetime Bida.
Pahabol nga ni Kim tungkol sa kanilang serye ni Xian, “Walang kahit sinong hindi makaka-relate dito sa kwento. Kahit sino, alam mong napagdaanan nila ‘yun.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

