ESPESYAL ang inihandang mga regalo ni Alden Richards kay Maine Mendoza para sa 21st birthday ng dalaga. Ginanap sa Eat Bulaga ang selebrasyon ng kaarawan ni Yaya Dub na dinaluhan din ng kanyang pamilya at malalapit na mga kaibigan.
Ayon kay Alden, talagang pinag-isipan niya ang mga ibibigay niyang gift sa kanyang ka-loveteam. Limang regalo na sumisimbolo sa limang letra ng pangalan ni Maine ang kanyang inihanda para sa kaarawan ng dalaga: ang St. Benedict’s medallion, love birds, isang caricature nilang dalawa, at notebook at pen.
May isa namang nasa isang maliit na kahon na hindi niya pinabuksan sa dalaga dahil ayon kay Alden, “For your eyes only ito.” Sabi pa ni Alden, “Pag handa ka na ako magsusuot nito sa ‘yo.”
Mas lalo namang kinilig ang AlDub Nation nang mag-lips-to-lips sina Alden at Maine. Sa pisngi lang dapat hahalikan ni Yaya Dub si Alden ngunit biglang humarap ang binata kaya saktung-sakto ang paglapat nang kanilang mga labi.
Tukso nga ng mga Dabarkads, aral na aral daw si Alden kay Vic Sotto dahil ganito rin ang ginawa ni Bossing nu’ng halikan siya ni Pauleen Luna. Pagkatapos ng kissing scene, nagulat si Alden at biglang nagtago nang umapir sa stage ng Eat Bulaga ang buong family ni Maine.