HINDI dapat nagpapaapekto si Ai Ai delas Alas sa mga bashers na wala namang alam tungkol sa lalim ng kanilang pinagsamahan ni Direk Wenn Deramas pero kung makapagkomento ay para bang kilalang-kilala ng mga ito ang dalawa.
Ililibing si Direk Wenn na walang kargo de kunsensiya ang Comedy Concert Queen, alam niya na wala siyang dapat panagutan sa pagpanaw ng direktor, walang kaalam-alam ang mga bashers ng komedyante na nu’ng Enero pa ay nagkaintindihan na sila ng namayapang direktor.
Nu’ng lamay para sa Master Showman na si Kuya Germs ay nagbigay na ng pahayag si Direk Wenn sa isang interview na okey na sila ni Ai Ai at hindi puwedeng tapusin ng isang kontrobersiya lang ang lalim ng kanilang pinagsamahan.
Nakapagtataka lang kung bakit may mga taong nangungunsensiya kay Ai Ai, isa raw siya sa mga dahilan nang maagang pagpanaw ng direktor, kailan pa nagkaroon ng karapatan ang isang tao na husgahan ang kamatayan ng kanyang kapwa?
Sa pagkapanganak pa lang natin ay nakadisenyo na ang ating kapalaran. Diyos lang ang nakakaalam kung hanggang kailan tayo mabubuhay at kung kailan ang takda nating pamamaalam sa mundo.
Walang kahit sinong makapangunguna sa nakatakda na, walang makakokontra du’n, kaya tantanan na sana ng mga walang magawa diyan ang isa sa mga taong pinakamalungkot ngayon sa pamamaalam ni Direk Wenn Deramas.
Makiramay na lang tayo, huwag na nating saksakan pa ng kung anu-anong kuwento ang pamamayapa ni Direk Wenn, lalo na kundi naman natin nasundan ang pagkakaibigan nila ni Ai Ai.