NGAYON nagkakandakumahog ang Philippine National Police para isailalim sa matinding training at seminar ang may 400,000 security guards mula sa may 1,200 security agencies sa buong bansa.
Ito ay kung hindi pa nangyari ang naganap na holdapan sa isang tindahan ng mamahaling relo sa Greenbelt 5 sa Makati City katanghaliang tapat noong Linggo.
Maraming kumuwestyon sa abilidad at dunong ng mga security guard nang sinabi sa unang pagtatantiya ng PNP na nagkaroon ng lapse sa security: una ay kung bakit nakapasok ng ganon na lamang ang may lima hanggang sa pitong armadong kalalakihan at maisagawa ang panghoholdap.
Pangalawa, lalong nabaon sa kahihiyan ang mga security guard nang hindi man lamang nakatulong ang mga ito sa pakikipagbarilan ng dalawang pulis laban sa mga armadong suspek nang matiyempuhan ng dalawang pulis ang holdapan. Hindi natin alam kung nagtago ba ang mga ito o simpleng dinedma lang ang sitwasyon?
Ayon kay Chief Supt. Ireneo Bacolod, pinuno ng PNP’s Civil Security Group na ang gagawing pagsasailalim sa re-training ay hindi isang ‘after-thought’ move o ’knee-jerk’ reaction lamang.
Eh, ano pa ba ang tawag don? Pinaglololoko naman yata tayo ng PNP?
Kung hindi pa nga siguro nangyari ang sitwasyon at abutin ng matinding kahihiyan ang mga security guard at lalo na ang security agency na pag-aari pa man din ng dating hepe ng PNP na si Edgardo Aglipay, ay hindi pa maiisip na bigyan ng matinding training ang mga security guards sa kung paano ang gagawin sa mga sitwasyon gaya nang nangyari sa Greenbelt 5.
Samantala, may punto rin siguro ang tinukoy ni Quezon City Vice Mayor Herbert Bautista na malamang na masundan pa ang mga paghoholdap o pagnanakaw sa malalaking malls sa Metro Manila bunga nga ng kawalang mahusay o pormal na training ng mga security guards na nagbabantay sa mga ito.
Bukod pa diyan, hindi rin matitino ang armas na dala ng mga security guards; di pwedeng itapat sa mga dekalibreng baril na dala ng grupong sumalakay sa Greenbelt 5.
Sa totoo lang naman, kapag sisilipin mo ang armas ng mga security guards di lamang sa mga malls kundi maging sa mga pangunahing pasilidad ng bansa tulad ng MRT at LRT, pawang mga pipitsuging armas lamang ang hawak nila — revolver, paltik o shotgun.
Sa ganitong klase ng armas na dala nila, kaya ba nila talagang makipagsabayan at makipagbakbakan sa mga masasamang loob?
Walang training tapos wala pang armas, isa lang ang resulta niyan: walang seguridad! At iyan na nga ang nangyari noong Linggo.
Baka naman maulit pa ito?
BANDERA Editorial, 102709