NAGPAPLANO na si Luis Manzano ng kakaibang klase ng tribute para sa yumaong box-office director na si Wenn Deramas.
Isa si Luis sa mga close na close kay direk Wenn, nagkasama sila sa ilang teleserye ng ABS-CBN, pati na rin sa pelikula kabilang na riyan ang “Moron Five” at “Moron 5.2”. Kaya napakasakit ng iyak ng binata nang malaman niyang wala na ang direktor.
Sa isang panayam kay Luis, sinabi nitong ngayon pa lang ay may naiisip nang pakulo ang TV host-actor para mapaligaya si direk Wenn at ang naulilang pamilya nito.
“I try to remember all the roles na ginawa ko na magkakasama kami. I’d like to make Moron Five doll at magkakasama kami superheroes ng 5.2 in full costume. Magsama-sama kami saying ‘we love you momskie’ gusto namin gawin lahat ‘yun as tribute to the captain of the ship, our momskie,” ani Luis sa nasabing TV interview.
Isa sa mga hindi malilimutan ni Luis kapag katrabaho niya si direk Wenn, ay ang pagiging cool nito sa set. Bilib na bilib din daw siya rito dahil kadalasan ay nakakatapos sila ng mga eksena kahit walang script.
Chika ng ex-boyfriend ni Angel Locsin, “He rarely used a script. Minsan magsusulat siya ng script pero bigla mapapalitan lahat on the spot, magiging dictation na lang lahat. Second, hindi siya pwede magsulat ng script. Dapat yellow pad with red ink na sign pen all the time as in close to ‘bahala kayo hindi ako magsusulat.’”
Sa ngayon, nahihirapan pa rin daw si Luis na tanggapin ang biglang pagkamatay ng box-office director, inamin niya na kapag mag-isa na lang siya ay hindi pa rin niya mapigilan ang maiyak.
“There’s still a bit of me na in denial na I can no longer see and talk to my momskie. Mas in denial obviously nu’ng first day ng wake, kumbaga when I first heard the news, tinanggap ko agad. Ganu’n kadali pero by 11 a.m. I was crying on my own,” sey pa ng binata.