HINDI pakakawalan ng Filipino boxing icon na si Manny Pacquiao ang bihirang pagkakataon na mairepresenta ang Pilipinas bilang miyembro ng Philippine boxing team.
Ito ay matapos garantiyahan mismo ng International Boxing Association o AIBA na mabibigyan siya ng wildcard slot para makapaglaro sa 2016 Olympics na gaganapin sa Rio de Janeiro, Brazil mula Agosto 5 hanggang 21.
“Tumawag mismo sa akin ang presidente ng international boxing at ginagarantiyahan niya na mabibigyan tayo ng isang wildcard slot para makasabak sa Olympics,” sabi ni Pacquiao sa isang panayam sa telebisyon.
Kasalukuyang nag-eensayo si Pacquiao para sa nakatakda nitong ikatlong laban kontra Timothy Bradley sa Abril 10 sa Las Vegas, Nevada, USA.
Una nang nakaharap ni Pacquiao ang presidente ng AIBA na si Taiwanese Dr. Ching-Kuo Wu noong sumabak ang delegasyon ng Pilipinas sa Olympic qualifying event na Asian Boxing Championships sa Doha, Qatar kung saan nabigo ang bansa na makakuha ng awtomatikong silya.
“Isang malaking pagkakataon ito para sa akin na irepresenta ang Pilipinas at prestihiyo na maiuwi ang unang gintong medalya ng Pilipinas,” sabi pa ni Pacquaio, na inihayag din nito ang libreng serbisyo para sa bansa.
“Walang bayad ito, libre para sa bansa natin. Alam naman ng lahat na walang premyo dito kundi ang prestihiyo ng bansa natin sa internasyonal na kompetisyon,” sabi pa ni Pacquiao.
Matatandaan na binuksan ng AIBA ang dating para lamang sa mga amateur boxers na kompetisyon para sa mga propesyonal na boksingero sa pagsasagawa nito ng AIBA Pro Boxing at AIBA World Series of Boxing.
Maliban dito ay isinasagawa rin ang mga torneo na AIBA World Boxing Championship, AIBA Women’s World Boxing Championships, Olympic Games, Youth Olympic Games, AIBA Youth World Boxing Championships, AIBA Women’s Youth/Junior World Boxing Championships, AIBA Junior World Boxing Championships at Commonwealth Games.
Inihayag pa ni Pacquiao na agad niyang paghahandaan matapos lamang ang kanyang laban kay Bradley ang nais nito na pagsabak sa Olympics kung saan patuloy na nagiging mailap ang gintong medalya sa Pilipinas sapul noong sumali sa prestihiyosong torneo.