Editorial: May lalaban kaya sa contractualization?

MAINIT ang panawagan ng mga batang manggagawa sa mga tumatakbong pangulo ngayong darating na eleksiyon.

Kung bakit nga naman daw tila kulang kung hindi man tuluyang wala man lang programa o polisiya na isinusulong ang mga tumatakbo sa pagkapangulo hinggil sa isyu na kinakaharap ng mga youth workers o sila na mga kabataang manggagawa.

May 150 youth workers at church leaders ang nagpulong noong isang linggo sa Polytechnic University of the Philippines, para ilatag ang kanilang hinaing sa limang presidentiable, kaugnay sa mga isyung may kinalaman sa kanila at sa mga kagaya nila na bumubuo ng “work force”.

Isa sa pinakamainit na isyu na tila tahasan yatang iniiwasan ng mga presidentiable ay ang isyu ng contractualization.

Totoo ang sabi ng mga kabataang ito na: “Ang sitwasyon sa ating lipunan ay talamak ang kontraktwalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at maging migrasyon. Ito ang mga isyu na patuloy na nagpapahirap sa mga kabtaan.”

Ang nakapagtataka ay kung bakit sa kauna-unahang debate na ginawa sa Cagayan de Oro City mahigit isang linggo na ang nakararaan ay hindi man lang ito natalakay o nabanggit man lang.

Hindi na tayo magpapakalayu-layo pa. Tutukan na lang natin ang isyu ng contractualization, na kung bakit hanggang ngayon ay takot na gawan ito ng aksyon ng pamahalaan. Na tila kapag isinulong nila ito ay siguradong babalikan sila ng mga negosyanteng tumulong at nagpondo sa kanilang kampanya; na ang dapat bigyang proteksyon lang ay ang mga nagpapasahod.

Lantaran ang pang-aabuso ng maraming negosyante sa mga maliliit na mangggawa, kasama na rito ang mga kabataang nagtatrabaho na. Sasaan ka pa ba? Ilang malalaking mall ang may libo-libo ang contractual employees – pawang walang mga inaasahang proteksyon at seguridad.

Bukod dito, pagod ng katawan sa maghapong pagkakatayo; hindi maaaring umupo kahit namimintig na ang mga binti habang suot ang isa o dalawang pulgadang taas ng sapatos.

Sa ilang pabrika naman, marami ring mga kabataan ang pata ang katawan sa mahigit 12 oras na pagtatrabaho na hindi bayad ang over time, hindi maayos ang working condition, bukod sa hindi na nga tama ang pasahod ay wala ring inaasahang mga benepisyo.

Mukhang bulag, bingi at manhid ang mga presidentiable sa mga isyung ito na maglalagay sa sentro ng atensiyon ang mga negosyante na pinagkakautangan yata nila ng utang ng loob.

Kailan kaya bibigyan pansin o diin ng mga kandidato sa pagkapangulo ang ganitong mga isyu na talagang malapit sa bituka ng ating mga maliliit na manggagawa? Sino kaya sa kanila ang malakas ang loob na kokontra sa kanilang mga fund contributors sa ngalan ng mga manggagawa at silang mga kabataan na bahagi ng malaki at aping sector na ito?

Read more...