MASAKIT ang pag-iyak ng tinaguriang Queen of Pop ng Star Music na si Jolina Magdangal nang matanong sa press launch ng kanyang bagong album tungkol sa pagkamatay ni Wenn Deramas.
Tatay-tatayan ni Jolens si direk Wenn noon pa, nagkasama sila sa pelikulang “Kung Ika’y Isang Panaginip” bago siya lumipat sa GMA 7, at nu’ng bumalik siya sa ABS-CBN ay si direk Wenn din ang isa sa mga nag-welcome sa kanya dahil ito ang nagdirek ng comeback series niya sa Kapamilya network na Flordeliza.
Sa press launch ng bagong album ni Jolens sa Star Music titled “Back To Love”, tinanong ang singer-actress kung anong kanta sa album ang gusto niyang ialay kay Direk Wenn, sagot niya, “Ganito Pala Ang Pag-ibig.”
Dito na napaiyak si Jolens, “Kaya ‘Ganito Pala Ang Pag-ibig’ kasi dito sa kanta na ‘to, sobrang saya lang niyan eh. And sa dami ng nagiging problema natin araw-araw, never niyong makikita si Direk Wenn na malungkot.
“Sa totoo lang nang-ookray pa nga siya ng mga tao na kahit na inookray niya, mahal pa rin siya nu’ng mga tao kasi alam nila na panlabas lang iyon pero alam nila kung gaano siya ka-generous na tao,” sey pa ni Jolens.
“Special talaga sa akin si Direk Wenn and malaki ang natutulong niya sa akin, hindi lang sa pagkatao ko kundi sa trabaho din. And, noong bumalik ako sa ABS, naging kampante ‘yung loob ko kasi siya ‘yung nakatrabaho kong director,” pahayag pa ni Jolina.
Hindi pa rin makapaniwala si Jolina na patay na si direk Wenn, “Hindi ko pa rin natatanggap kahit na ganoon na nga. Parang iniisip ko na lang, iisipin ko na lang hindi totoo. Parang ayoko pa ring maniwala, siguro kahit na tumagal, hindi ako maniniwala. Iniisip ko lang nandiyan lang siya.
Baka wala lang kaming project together, ganu’n,” chika pa ng singer-actress. Dagdag pa ni Jolina, “Si Direk Wenn, hindi ko man siya palaging nakakausap, pero ‘yung mga prayers na pinapadala niya, minsan sinesend ko pa sa iba dahil minsan, ang ganda talaga.
Ang hindi ko makakalimutan sa kanya ‘yung pagmamahal niya sa mga anak niya. ‘Yung pagmamahal niya sa mommy niya at ‘yung pagmamahal niya sa mga tao niya.” “Nu’ng narinig ko ‘yan, isa ko pang naisip, pano ‘yung mga tinutulungan niya? Pano ‘yung mga nakadikit sa kanya? Pano ‘yung dalawang anak niya? Kawawa naman ‘yung mga anak niya dahil bata pa nila,” aniya pa.
Samantala, sa ikalawang gabi ng lamay sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Q.C., mas maraming celebrities ang nakiramay sa pamilya ni direk Wenn, partikular na ang mga nakatrabaho ng direktor sa mga ginawa niyang teleserye at pelikula.
Ilan sa mga nagbigay ng huling pagrespeto sa box-office director ay sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, former couple Angel Locsin and Luis Manzano na hindi nagpang-abot sa burol dahil maagang umalis si Luis na mugtung-mugto pa ang mga mata dahil sa pag-iyak.
Ayon sa binata, hindi pa rin niya matanggap na patay na si direk Wenn. Naroon din sa second night ng lamay sina Vice Ganda, Anne Curtis, Alex Gonzaga, Karla Estrada, Iza Calzado, Coco Martin at marami pang iba.