Mas may bastos kay Madonna

HINDI malaman ng spokesman ni PNoy kung paano ang gagawing pagde-deny sa ulat na itinutulak ng Malacanang ang pagba-ban sa Queen of Pop na si Madonna upang hindi na muling makapagtanghal sa bansa dahil sa pambabastos daw nito sa bandera ng Pili-pinas sa sa kanyang Rebel Heart concert.

Palusot ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na ipinapaala lang daw ng pamahalaan sa lahat na kailangang irespeto ang bandera dahil simbolo ito ng bansa.

At wala rin daw katotohanan ang mga binitawan niya umanong salita sa isang panayam na:

“Malacañang is keen on banning Grammy award winner and Queen of Pop Madonna from performing in the Philippines for disrespecting the Philippine flag in her concert.”

Nawindang siguro ang mga taga-Palasyo sa dami ng mga nayamot na fans ni Madonna sa kanilang hirit na ban kaya mabilis pa sa alas-kuwatro na bumawi ang opisyal.

Nahiya na rin siguro sila nang malaman na nai-“promote” pa ng singer ang People Power anniversary kaya biglang kambiyo.

Sa dami naman kasi ng problemang kinahaharap ng bansa ay ang singer pa ang napagdiskitahan nila kaya nabuking tuloy ng publiko kung anong mga klase ng isyu ang binibigyang importansya ng pamahalaan.

Mas malala pa nga ang ginawa ng mga estudyante ng UE na trinatong basahan ang bandera pero walang narinig na protesta mula sa gobyerno. Porke sikat si Madonna ay ito ang tinarget nila at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP)?

E ano naman ang dapat ikaso doon sa mga hindi tumatayo sa sinehan at dumidiretso ng paglakad kapag pinatutugtog ang Pambansang Awit?

Kumusta rin ang mga negosyante na ginagamit ang bandera sa mga t-shirt at shorts?

Pero wala nang mas gi-guilty pa sa pambababoy sa bandera sa mga korup na opisyal ng gobyerno, mambabatas at pulis.

Dapat pa ngang magpasalamat ang mga alagad ni PNoy kay Madonna dahil nagising kuno ang kamalayan ng kapatid nito na si Kris ukol sa martial law.

Kasunod ng shoutout sa nasabing concert ng singer kaugnay sa selebrasyon ng People Power ay isang litanya, na may himig banat sa mga kaaway ng kanilang pamilya, ang ipinost ni Kris sa Instagram.

Dahil kay Madonna, nakapaglinya tuloy si Kris ng “Ninakaw sa ‘tin ang freedom of assembly, freedom from unreasonable searches and seizures, freedom from unlawful imprisonment, freedom to have court proceedings, and freedom of speech… seriously, papayag ba kayong kunin itong muli sa ‘tin?”

Seriously, Kris? Kailangan pang may isang Madonna talaga na magpaalala sa iyo ng mga ito? Kung hindi nag-concert si Madonna, dedma ka lang?

Read more...