TULOY ang laban ni Phillip Salvador sa lalawigan ng Bulacan sa pagka-vice-governor. Hindi totoo ang ipinakakalat du’n ng mga walang magawa sa buhay na wala na siya sa listahan ng mga botante at kandidato dahil sa proseso ng exclusion na isinampa laban sa kanya.
Nalampasan na niya ang exclusion, pero disqualification case naman ang ipinanglaban sa kanya, mahabang proseso pa ang pagdadaanan nu’n at hindi agad-agad na didinggin ang kaso tulad ng gustong palabasin ng kampo ng kanyang mga katunggali.
“Kaya nga nag-iikot kami ngayon sa mga bayan ng Bulacan para malaman nila na tuloy ang pagtakbo ko bilang vice-governor. Marami kasing nag-aakala na hindi na ako tumatakbo, dahil nga sa mga kuwentong naririnig nila.
“Nasa labanan pa rin ako, buo pa rin ang paninindigan kong magserbisyo sa mga Bulakenyo, huwag naman sanang alisin sa akin ang pangarap kong makatulong sa aking mga kababayan,” paliwanag ng magaling na aktor.
Kahit saan magpunta si Phillip Salvador ay ramdam na ramdam ang init ng pagtanggap sa kanya.
May humahalik sa kanya, may yumayakap, paminsan-minsan ay nakikipagsayaw pa nga siya sa mga senior citizens sa mga lugar na dinadalaw nila ni dating Governor Josie dela Cruz.
Harinawang maging boto para sa aktor ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Bulakenyo.
Wala namang mali sa kanyang pangarap na makapaglingkod sa kanyang kapasidad bilang vice-governor kung papalarin siyang magwagi.