SUMAKABILANG-BUHAY na ang Box-Office director na si Wenn Deramas matapos atakihin sa puso ngayong umaga. Si direk Wenn ay 49 years old.
Mismong ang matalik na kaibigan ng Kapamilya director na si June Rufino ang nagkumpirma ng malungkot na balita sa panayam nito sa radyo.
Kuwento ng talent manager, unang isinugod sa Capitol Medical Center ang isang kapatid ni Direk Wenn na idineklara na ng mga doktor na dead on arrival na. Mabilis daw na nagtungo sa ospital ang direktor pero ito naman ang inatake. Cardiac arrest daw ang sanhi ng pagkamatay nito.
Kung matatandaan, noong 2013 ay nagkaroon ng mild stroke si Direk Wenn. Dahil dito matagal din siyang nagpahinga at hindi muna nagdirek ng mga serye at pelikula.
Ang huling pelikula ng yumaong direktor ay ang “Beauty And The Bestie” nina Vice Ganda at Coco Martin” na isa ring certified box-office. Ilan pa sa mga nagawa niyang pelikula ay ang “Tanging Ina” ni Ai Ai delas Alas, “Petrang Kabayo” (2010), “The Unkabogable Praybeyt Benjamin” (2011), Girl Boy Bakla Tomboy (2013) at ang “The Amazing Praybeyt Benjamin” (2014) na pinagbidahan lahat ni Vice.
Ilan naman sa mga seryeng nagawa ni Direk Wenn sa ABS-CBN ay ang mga sumusunod: Mula Sa Puso, Saan Ka Man Naroroon, Sa Dulo Ng Walang Hanggan, Marina, Kampanerang Kuba, Walang Kapalit, Dyosa, Kahit Puso’y Masugatan at ang pinakahuli nga ay ang Flordeliza.
Sayang at hindi na matatanggap ni direk Wenn ang kanyang tropeo sa gaganaping 47th Box Office Entertainment Awards sa April 17 kung saan pararangalan siya bilang Most Popular Director along with direk Cathy Garcia-Molina.
Ang mga labi ng direktor ay ibuburol sa Arlington Memorial Chapels, sa Araneta Avenue, Quezon City.