NAHACK ang website ng ospital ng University of Santo Tomas (UST) bilang protesta sa hindi pagtanggap ng ospital sa isang babaeng nag-li-labor dahil wala silang pang-deposit ng kanyang mister na P20,000.
Nagpakilala ang nang-hack sa website na “Global Security Hackers.”
Sa mensahe nito, binatikos ng grupo ang resident doctor ng ospital na si Dr. Anna Liezel Sahagun matapos tumangging i-admit si Siarra Pelayo, na manganganak sana noong Peb. 19.
Wala umanong pambayad si Pelayo at kanyang mister na si Andrew sa hinihinging deposit.
Sa isang mahabang post na naging viral, ikinuwento ni Andrew ang kanilang karanasan.
Sinabi ni Andrew na nang malaman ni Sahagun na hindi niya maibibigay ang pera, pinayuhan na lamang sila na pumunta sa isang ospital ng gobyerno.
Naging maselan ang panganganak ni Pelayo, kung saan bagamat nakaligtas siya, namatay naman ang sanggol.
“Napakamali ng iyong ginawa Dra. Sahagun Sumumpa ka sa iyong tungkulin para magligtas ng Buhay, Hindi Unahin ang Pera, Isa itong malaking paglabag sa iyong Sinumpaang Tungkulin at Hindi namin ito hahayaan na mabali wala lang,” sabi ng hacker sa mensahe nito.
Hiniling din ng grupo sa mga otoridad na magsagawa ng imbestigasyon.
“Ito rin ay isang mensahe sa ating kinauukulan na Magsagawa ng imbestigasyon sa pangyayaring ito. Kami ay taimtim na nakikiramay sa mga naulila,” ayon pa sa hacker.
Wala pang pahayag si Sahagun at ang UST hospital sa mga akusasyon nina Pelayo.
Ipinagtanggol ng mga kasamahang doktor si Sahagun, sa pagsasabing sumusunod lamang siya sa direktiba ng pamunuan ng UST.