NPA mabilis magbigay ng hustisya

KUNG gagawing basehan ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa disqualification case ni Mayor Rommel Arnado ng Kauswagan, Lanao del Norte, made-disqualify si Sen. Grace Poe bilang presidential candidate.

Nagdesisyon ang Mataas na Hukuman “with finality” na i-disqualify si Arnado, na nanalo noong 2013 election, dahil sa paggamit niya ng US passport after he renounced his American citizenship.

Ang sinapit ni Arnado ay sasapitin din ni Poe dahil pareho sila ng kaso.

Ginamit pa rin kasi ni Poe ang kanyang US passport matapos niyang talikdan ang kanyang pagiging American citizenship.

Nanumpa si Poe bilang Filipino citizen noong Oct. 20, 2010 nang siya’y maluklok bilang chairman ng Movie and Television Classification Board (MTRCB).

Ginamit raw niya ang kanyang US passport noong 2011 pagpunta niya sa America.

Kung gayon, bakit pinatatagal pa ng Supreme Court ang desisyon na i-disqualify si Poe?

Mahirap bang pag-isipan ang kaso ni Poe na meron nang precedent o naunang kaso na gaya niya?
Napakabagal namang mag-isip ang Korte Suprema.

Natatandaan ko pa ang Edsa People Power na nagpabagsak sa rehimen ni Pangulong Marcos 30 taon na ang nakararaan. Parang kahapon lang nangyari ito.

I covered the historic event from start to finish.

Natatandaan ko ang kasiyahan at sayawan sa kalye nang mabalitaan ng milyon-milyong katao sa Edsa na umalis na sa bansa si Marcos at ang kanyang pamilya.

Natatandaan ko ang sinabi sa akin ni Teddy Africa, reporter ng Times Journal na kasama kong nagkober sa Edsa noon.

“Mon, ang mga naapi noon ay sila naman ang mang-aapi ngayon. Magiging corrupt din sila gaya ng taong pinatalsik nila,” ani Teddy.

Ang tinutukoy ni Teddy ay mga miyembro ng opposition na pinangunahan ni Cory Aquino na pinahirapan ng diktadurang Marcos.

Naging totoo ang sinabing yun ni Teddy na matagal na ring pumanaw sa mundo.

Kahit gaano kasama ang mga paratang kay Marcos noong mga taon ng Martial Law, may magagandang nagawa rin siya.

Isa na rito ang pagiging disiplinado ng mga pulis.

I am talking as a reporter during Martial Law.

Ang mga ulat o reklamo tungkol sa pagmamalabis o kapalpakan ng mga pulis noon ay madaling binibigyan ng pansin ng mga otoridad.

Mas disiplinado ang Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) noon kesa sa Philippine National Police (PNP) ngayon.

Noon, may takot ang mga pulis sa mga nakatataas sa kanila dahil puwede silang ipakulong kaagad o itiwalag sa serbisyo kapag sila’y umabuso.

Disiplina militar kasi ang umiiral sa PC-INP noon. Pero ngayon, wala nang disiplina ang PNP dahil sibilyan na ito.

Kapag may reklamo laban sa isang pulis, ang kanyang sinasandalan ay ang “due process” kung saan kinakailangang may hearing tungkol sa reklamo.

Taon ang binibilang bago maresolba ang reklamo laban sa isang pulis.

Habang nakabinbin ang kanyang kaso, patuloy ang kanyang pang-aabuso at pangungurakot.

At kapag naman siya’y napatunayang nagkasala, mag-aapela siya sa National Police Commission (Napolcom) na malamang ay ibabalik siya sa serbisyo.

Marami nang kaso laban sa pulis na idinulog ng aking programang “Isumbong mo kay Tulfo” sa Napolcom na nabale-wala dahil kinampihan ng Napolcom ang inireklamong pulis.

Dahil sa aking pagkakadismaya, naiisip ko tuloy na idulog na kaya sa New People’s Army (NPA) ang mga reklamo na natatanggap ko upang mabigyan ng katarungan ang mga inaping sibilyan.

Mabilis kasing magbigay ng hustisya ang NPA.

Para sa komento o reaksyon mag-text sa 09178052374 o mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...