TACLOBAN CITY – Sinabotahe umano ang pangangampanya nina Sen. Grace Poe at Sen. Francis Escudero sa Tacloban City.
Ayon kay dating An Waray Rep. Florencio Bem Noel, kaalyado ni Poe at Escudero, na mayroong mga nagpapakalat ng impormasyon na aalisin sa listahan ng Conditional Cash Transfer ang mga dadalo sa political rally sa Remedios T. Romualdez Plaza.
May mga nagsasabi rin umano na may bayad ang pagdalo sa political rally.
“Wala namang bayad ang political rally,” ani Noel.
Ikinalungkot naman ito ni Escudero at sinabi na hindi niya ito gagawin sa kanyang mga kalaban na pupunta sa kanyang lugar sa Bicol.
“Sa amin sa Bicol, sa amin sa Sorsogon, bukas ang anumang entablado doon, bukas ang anumang lugar doon para sa sinumang ninanais at nais magsalita dahil para po sa amin, kumpiyansa kami at secured kami sa kung ano ang nagawa at ano ang nais namin ilahad na plataporma. Hindi namin kailangang barahin o harangin ang sinumang nais magsalita at kausapin ang aming mga kababayan,” ani Escudero.
Itinanggi naman ni Escudero na kinansela nila ang pangangampanya sa Negros Occidental at Davao City dahil hindi sila binigyan ng permit. Nagkataon lamang umano na kailangan nila itong ilipat ng araw.
Ayon kay Escudero kung sila ni Poe ang mananalo, papalawakin nila ang CCT at kapag mayroong kalamidad ay gagawin nila itong ‘unconditional’ cash transfer programa para mabilis na makatulong.
Hindi rin umano sila magbibigay lamang ng tulong sa ilalim ng CCT kundi tutulungan nila ang mga ito na magkaroon ng mapagkukuhanan ng kabuhayan.
MOST READ
LATEST STORIES