NAKAKAENGANYO ang kuwento ng mga kasamahan naming nakapanood sa dalawang episodes ng Ang Panday na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez na mapapanood na sa TV5 sa darating na February 29.
Hindi na mawawala sa kamalayan ng ating mga kababayan ang kuwento ng panday na si Flavio. Obra ito ng henyong manunulat na si Direk Carlo J. Caparas, unang pinagbidahan sa pelikula ng namayapang si Fernando Poe, Jr., at ngayo’y ihahandog naman sa telebisyon ng TV5 at Viva Enterainment.
Pinakaguwapong Panday ang tawag ngayon kay Richard Gutierrez, kahanga-hanga na ang serye sa teaser pa lang nito, aminado ang guwapong aktor na malaking hamon para sa kanya ang pagganap bilang si Flavio. Alas siyete nang gabi tuwing Lunes, Martes at Huwebes mapapanood ang Ang Panday sa TV5. May dalawang araw na wala ang serye, ibibigay ‘yun sa PBA, pero lagi kaming naniniwala na walang hindi magandang schedule para sa isang palabas na gusto nating masundan ang bawat sultada.
Napakalaking proyekto nito, masuwerte si Richard dahil sa kanya napunta ang serye, kilalang-kilala si Direk Mac Alejandre sa maingat at mabusisi nitong pamamahala sa anumang proyektong hinahawakan nito.
Simula sa February 29, alas siyete nang gabi, ay matutunghayan na natin ang mas pinagandang Ang Panday. Istorya ito ng sanggol na iniwan sa harap ng simbahan, inalagaan ng kura paroko, hanggang sa tanghalin na siyang tagapagtanggol ng mga naaapi.
“Habang pinanonood ko ang two episodes ng Ang Panday, e, kinikilabutan ako. Naaalala ko kasi si FPJ,” rebelasyon ng isang kasamahan naming kolumnista.