AGAD nagtala ng record breaking performance ang rookie na si Julian Reem Fuentes ng College of St. Benilde sa men’s long jump para angkinin ang una sa walong gintong medalyang pinaglabanan sa pagbubukas ng NCAA Season 91 Track and Field Championships kahapon sa Philsports track oval sa Pasig City.
Binura ng 21-anyos at second year Computer Applications major na si Fuentes sa unang talon pa lamang ang dating NCAA record na 7.34 metro sa pagtalon nito sa layong 7.39 metro. Hindi pa nakumpleto matapos na sa kanyang huling attempt ay itinala ng mula Cordon, Isabela ang pinakabagong record na 7.42 metro.
“Medyo kundisyon lang po,” sabi ng balik pag-aaral na si Fuentes na nagdesisyong sumali sa NCAA sa unang pagkakataon matapos huminto noong nakaraang taon. “Doon sa second to the last jump nag-foul ako, pero alam kong kaya ko pa so nag-try akong i-break ulit ang record sa last jump ko.”
Hindi na bago si Fuentes sa kompetisyon kung saan noong 2012 ay nagwagi ito ng ginto at nagtala ng record sa Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan.
Ikalawa kay Fuentes si Albert Vallejo ng Arellano University na nakatalon ng 7.21 metro na itinala rin ng ikatlo na si Mark Vincent Ramos ng Mapua.
Gayunman, iginawad kay Callejo ang tanso matapos agad maabot sa ikalawa lamang na talon ang 7.19 metro.
Tig-isa naman ang event host San Beda at CSB La Salle-Greenhills sa dalawang gintong nakataya sa juniors division.
Nagwagi ng ginto sa juniors long jump si Jericho Hilario ng San Beda sa kanyang talon na 6.38 metro habang wagi si Emilio Florendo ng LSGH sa juniors discus throw sa naibato nitong layong 39.12 metro.