NPA leader patay sa engkuwentro

BUKIDNON
Patay ang isang lider ng New People’s Army (NPA) nang makipagbarilan ang mga kawal na pinaputukan ng kanyang pangkat sa San Fernando, Bukidnon, iniulat ng mga otoridad.

Nakilala ang napatay bilang si Nardo Manlologpis alyas “Bugsong,” vice-commander ng Sentro de Grabidad ng Guerrilla Front 55, sabi ni Capt. Rhyan Batchar, public affairs officer ng Army 10th Infantry Division.

Naengkuwentro ng mga elemento ng 68th Infantry Battalion ang apngkat ni Manlologpis dakong alas-10:30 ng umaga Martes sa Purok 8, Brgy. Kalagangan, aniya.

Nagsasagawa ang mga kawal ng “admin movement” nang bigla silang pinaputukan ng apat na kalalakihang lulan ng itim na motorsiklo, ayon sa ulat ng Bukidnon provincial police.

Napatay ang isa sa mga armado nang gumanti ng putok ang mga kawal, habang narekober sa pinangyarihan ang isang kalibre-.9mm pistola na may magazine, kalibre-.45 magazine, at ang motorsiklo, ayon sa ulat.

Walang sundalong nasugatan sa insidente at nagpakalat na ng kawal para tugisin ang mga salarin, na tumakas patungo sa iba-ibang direksyon, ani Batchar. (John Roson)

Read more...